110 katao, nadampot sa operasyong kontra krimen sa Pasay

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 08 2017 09:21 AM

MANILA - Nagsisiksikan sa mga kulungan ng Pasay City ang 110 na nahuli noong Biyernes ng gabi sa malakihang operasyon ng pulisya kontra krimen.

Mula sa kabuuan, 83 ang naaresto sa paglabag sa mga ordinansa ng lokal na pamahalaan, kabilang ang pakikipaginuman sa kalye, pag-ihi sa pampublikong lugar, at paglabas na walang damit pang-itaas.

Dalawampu't-lima ang nahuling may dala umanong iligal na droga, dalawa umano ang may mga dalang armas na walang pahintulot, at tatlo ang mga nadampot na may nakatayong warrant of arrest.

Nalambat din sa "One Time, Big Time" na operasyon si Jonathan Peñaflor, na isa sa mga "most wanted" ng lungsod dahil sa kasong robbery.

"Napasama lang po ako [sa grupo ng mga nangho-holdap] pero dati pa po iyon...Nagbago na po ako," sabi ni Peñaflor.

Nagsimula ang operasyon alas-9 ng gabi noong Biyernes, kung saan sinuyod ng pulisya ang 200 barangay ng Pasay.

"Ang pulis natin ay nagtatrabaho in relation sa programa ng ating pangulo lalong-lalo na sa war against illegal drugs...[para] bigyan ng maayos at tahimik na pamayanan ang Pasay City," ani Superintendent Deanry Francisco, assistant chief of police for operations ng pulisya sa Pasay City.

Nakumpiska sa operasyon ang walong sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng methamphetamine hydrochloride o"shabu," isang kalibre-.38 na baril na may kasamang anim na bala, isang balisong, at tatlong motorsiklo na walang sapat na dokumento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.