Mga tsuper ng Grab, nangangambang hindi na makapasada

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 08:31 PM

Paso na ang accreditation ng Grab Philippines bilang transport network company, kaya nangangamba na kung makapapasada pa ang mga tsuper ng mga sasakyang nagparehistro sa ilalim ng kompanya. 

Nasa 10,000 ang unit ng transport network company na Grab sa buong bansa, at ito rin ang bilang ng posibleng mawalan ng trabaho kung hindi na mare-renew ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang accreditation ng Grab. 

Kaya naman nagsama-sama ang ilang grupo ng mga tsuper mula sa Grab para magpasa ng petisyon sa LTFRB na maaprubahan na ang accreditation ng kompanya para magtuloy-tuloy na ang kanilang pagpasada. 

Mula nang mag-expire ang accreditation ng Grab noong Hulyo 3, hindi na alam ng mga tsuper kung ligtas pa sila mula sa panghuhuli ng LTFRB. 

"Tagilid ang sitwasyon. Aalis ka ba ng bahay na wala kang magandang directive, na puwedeng isipin ng tao na colorum ka," hinaing ni Bobby Coronel, kasama sa mga grupo ng mga tsuper ng Grab. 

Ayon naman sa Grab Philippines, inaksiyunan na nila noon pang unang linggo ng Hulyo ang kanilang accreditation. 

"Nakapag-submit na kami as early as first week of July. Naghihintay na lang kami ng feedback sa binigay na statements ng country head. It's business as usual, lalo na sinabi ni Delgra na walang order ang LTFRB to stop," ayon kay Fiona Nicolas ng Grab Philippines. 

Binanggit naman ni LTFRB Chairman Martin Delagra sa Kamara na wala namang order ang ahensiya na manghuli dahil nag-expire na ang accreditation. 

Natanggap na rin umano nila ang request ng Grab na mag-renew, pero iba pang usapan ang mga natanggap nilang kaso ng pangongolorum ng ilang sasakyan. 

Pag-uusapan naman daw ang mga naiulat na kaso ng mga kolorum na aktibidad ng ilang Uber, Grab, at UberHop sa susunod na linggo, ayon kay Atty. Aileen Lizada, tagapagsalita ng LTFRB. 

Para naman sa dating LTFRB board member at ngayo'y tumatayong abogado para sa mga commuter, oportunidad na ito para ayusin ng LTFRB ang mga polisiya ng mga transport network company gaya ng pagsasaayos ng pasahe, bilang ng mga unit, at maging ang insurance para sa mga pasahero. 

"What is happening now, pagkatapos ng accreditation. Bumibiyahe na sila. Ang resulta ay colorum… Accreditation of TNC is better option at sana nga ma-resolve na yan. After this feeling ko, kinakailangan na mag-review ng polisiya," ayon kay Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.