Lalaki, naupuan ang sariling baril, naputukan ang ari

ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 04:16 PM

Naputukan ng baril ng isang lalaki ang kanyang maselang bahagi matapos nitong maupuan ang baril na naiwang may bala sa loob ng kanyang sasakyan sa Florida, Estados Unidos, noong Biyernes ng nakaraang linggo.

Sa salaysay ng nobya ng biktima, hindi namalayan ng 38 anyos na si Cedrick Jelks na nakalagay sa upuan ng kanyang sasakyan ang baril na may bala. 

Naupuan ito ni Jelks at bigla na lamang itong pumutok, sanhi ng pagkakatama ng bala sa ari ng lalaki.

Lumabas ito mula sa sasakyan, at tumakbo ang lalaki papasok sa banyo sa loob ng bahay ng kanyang nobya.

Nang makita ng babae ang sugatang ari, dinala niya si Jelks sa ospital kung saan siya sumailalim sa operasyon.

Dumating naman ang pulisya sa ospital bandang alas-3 ng madaling araw, at sinabing mayroon nang mga naunang kaso kaugnay ng droga si Jelks, dahilan upang pagbawalan siya ng kanilang batas na magmay-ari ng baril.

Maaari ngayong maharap sa kasong illegal possession of firearms si Jelks, ayon sa mga awtoridad.

Sa mga tala ng Jacksonville Department of Corrections, ilang ulit nang naaresto si Jelks sa iba-ibang mga kaso, gaya ng pagmamaneho nang lango noong 2009. 

-- Ulat mula sa Associated Press

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.