Buntis sugatan sa banggaan ng tren at ambulansya, nanganak pagdating sa ER

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 06:31 PM | Updated as of Jul 07 2017 10:56 PM

Lima ang sugatan matapos bumangga ang isang ambulansya ng barangay sa isang tren sa Maynila nitong Biyernes.

Ayon kay Renato Mendoza, Blue Eagle Fire Volunteer, papuntang Maynila ang ambulansya at nakatawid pa nang kaunti sa crossing sa may Blumentritt sa Rizal Avenue.

Pero naharang umano ang ambulansya ng mga tricycle kaya hindi ito nakatawid nang tuloy-tuloy hanggang sa inabot at nakaladkad na ito ng tren.

Tatlong lalaki at 2 babae ang sakay ng ambulansya, kabilang ang isang buntis. 

Lahat ng pasahero ay sugatan at isinugod sa Jose Reyes Memorial Hospital, ayon kay Mendoza.

Nanganak pagdating sa emergency room (ER) ng ospital ang buntis na kinilalang si Marilou Variasayco, 35. Hindi pa makapagbigay ng dagdag na detalye ang medical personnel.

Ayon naman kay PO1 Ericson Cu, natusok ng bakal sa baga ang driver ng ambulansya na si Jaime Pagas kaya kinailangang operahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.