70 patay na pawikan, nasabat sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jul 07 2017 02:01 PM

Photo courtesy of Albert Vasquez

DUMARAN, PALAWAN – Dalawang mangingisda ang natimbog ng Philippine National Police at Bantay Dumaran dahil sa dalang 70 patay na pawikan sa kanilang bangka.

Nagsasagawa umano ng seaborne patrol ang awtoridad sa Barangay Bacao, Dumaran nang mapansin ang kahina-hinalang bangka na pagmamay-ari ni Rico Gonzales Jr, kasama ang kanyang tauhang si Kim Aristotiles.

Galing umanong Maytegued, Taytay, Palawan ang mga mangingisda na balak sanang ipuslit ang mga pawikan patungong Balabac, Palawan na malapit sa tinatawag na half-moon shoal kung saan nangyayari ang bentahan ng pawikan.

Nakasilid na sa plastic ang mga pawikan na umaabot ang bentahan sa P25,000 bawat isa.

Dinala na rin sa Puerto Princesa ang mga pawikan para maimbentaryo at mailipat ang kustodiya sa Palawan Council for Sustainable Development o PCSD.

Dadaan naman sa regular filing ang pagsasampa ng kaso laban sa 2 mangingisda sa paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Act of the Philippines.

Sa pag-aaral ng mga eksperto, ang malawakang illegal trade ng marine sea turtles ang malaking hamon sa bansa para maprotektahan ang mga buhay-ilang.

Hindi naman raw sana nagkukulang sa mga ipinatutupad na batas ang Pilipinas. Problema lamang ay ang mahinang law enforcement sa bansa.

Ang green sea turtle, hawksbill, loggerhead, olive ridley at ang leatherback ay kinokonsiderang endangered species sa buong mundo. Pero sa kabila nito ay nananatili pa rin silang delikado dahil sa patuloy na panghuhuli at bentahan nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.