Labis na quarrying sa Iliwan River, inireklamo

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2017 09:15 AM

Inireklamo ng mga residente ng Barangay Apurawan sa munisipalidad ng Aborlan sa Palawan ang umano’y labis-labis na pagkuha ng graba sa ilog na sakop ng kanilang lugar.

Daing ng mga naninirahan sa lugar, lampas na sa itinakdang sukat sa permit ang isinasagawang quarry operation sa Iliwan River.

Lumalim at lumawak na umano ng husto ang ilog na siyang tanging tawiran ng mga estudyante patungo sa kanilang paaralan.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Provincial Mining and Regulatory Board, napagalamang tama ang naging obserbasyon ng mga residente at kinumpirmang nagkaroon nga ng “over extraction of minerals” sa ilog.

Iniuutos ngayon ng PMRB sa permittee ng naturang quarry na ihinto na ang operasyon at i-rehabilitate ang ilog.

Magpapadala rin daw ng isang technical team sa lugar para mapag-aralan kung gaano kalala ang naging pinsala sa ilog at kung dapat bang pagmultahin ang permittee.

Kapag naman hindi ito sumunod sa direktibang i-rehabilitate ang ilog, ikakansela na ng PMRB ang permit nito.

Samantala, perwisyo rin daw sa mga residente ang pagkasira ng kanilang kalsada roon dahil sa pagdaan ng mga dambuhalang heavy equipment. Apektado ang kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka sa lugar dahil hirap na umano silang maglabas ng produkto simula nang naging malubak at maputik ang kanilang daanan.

Ipinangako naman ng PMRB na magbababa ito ng direktiba sa construction company na nagsilbing hauler sa ilog para isaayos na ang nasirang nilang kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.