'Bato', pinanindigan ang pagpapadala ng 'yantok cops' sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2017 09:58 PM

Nanindigan si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa sa ginawa niyang pagpapadala sa dalawang pulis-Mandaluyong sa digmaan sa Marawi. 

Tuloy pa rin ang patak ng mga bomba mula sa himpapawid nitong Huwebes ng umaga sa Marawi. Ito'y sa gitna ng pagadating ng ilang matataas na opisyal ng gobyerno.

Kasama sa mga dumating si Dela Rosa na muling bumalik sa Marawi City kasunod ng pagdating ng dalawang pulis-Mandaluyong na pinadala niya roon.

Nahuli sa video si Police Officer 1 Jose Tandog na pinapalo ng yantok ang mga taong inaresto niya habang hindi naman umawat sa kanyang pamamalo ang kasamahan na si PO1 Chito Enriquez. Dahil dito, nagdesisyon ang PNP chief na ipatapon sila sa Marawi.

Umani naman ng batikos si Dela Rosa sa kanyang desisyon. Sinabi ni ARMM Assemblyman Zia Alonto Adiong na ang mga tiwaling pulis ay dapat patawan ng kaso at hindi bigyan lang ng panandaliang parusa.

Ayon kay Adiong, insensitive ang paggamit sa Marawi siege bilang parusa; hindi rin aniya basurahan ang Marawi para sa mga abusado at tiwaling pulis ng Metro Manila. 

Sa kabila nito, nanindigan si Dela Rosa sa kanyang desisyon.

“I stand by my decision, I'd dismiss them if I had my way… It's to uproot them from their home culture while they are being given due process… Try nila maging abusive dito; kapwa nila yayantok sa kanila,” ani Dela Rosa.

Pero maging si Defense Secretary Delfin Lorenzana ay hindi sang-ayon sa pagpapadala ng dalawang pulis.

“Personally… we bring in the best soldiers here tapos ‘yung mga worst cops ang 'papadala,” ani Lorenzana.

“Opinyon ‘yan ni Secretary…opinyon ko ito hanggang sa… after their stay here, they will be the best cops,” depensa naman ni Dela Rosa.

Samantala, inaalam pa rin ng liderato ng PNP kung saan ipupuwesto sa Marawi ang dalawang pulis-Mandaluyong.

Hinarap naman ni Dela Rosa sa kampo ang PNP Special Action Force. Kasama rin nila ang ibang mga lokal na pulis at sundalo.

Nagpasalamat si Dela Rosa sa pagtaya ng buhay nila para mabawi ang Marawi mula sa Maute group.

Misyon ng PNP ngayon na tuluyang mabawi ang police station nila na unang napasakamay ng kanilang kalaban.

“Update on police station na cleared area na siya pero delikado mapuntahan kasi baka matamaan kami ng RPG,” sabi ni Dela Rosa.

-- Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.