Van nahulog sa kanal; 3 patay, 2 sugatan

Ronnie Enderes, ABS-CBN News

Posted at Jul 06 2017 12:37 AM

Tatlo ang patay at dalawa ang sugatan matapos mahulog ang isang van sa malalim na kanal sa Kauswagan Highway, Cagayan de Oro nitong Miyerkoles.

CAGAYAN DE ORO CITY – Tatlo ang patay at dalawa ang sugatan matapos mahulog ang isang van sa malalim na kanal sa Kauswagan Highway dito nitong Miyerkoles.

Ayon kay SPO4 Ricky Amparado, traffic investigator ng Police Station 4-Carmen, mabilis ang takbo ng van at pagdating nito sa isang kurbada ay nag-overshoot ito sa open canal.

Napag-alaman ng pulisya na hindi nakapreno ang driver nang mangyari ang aksidente.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jessa Shiene Fabria, 23, Jubilyn Jayag, 34, at Cherish Cabador Salvaña.

Sugatan ang driver ng van na si Mohammad Isah Taha, 31, at John Vincent Advincula, 28, na dinala sa ospital at kritikal ang kalagayan.

Ayon sa pulisya, magkakaibigan ang mga namatay na sina Salvaña at Fabria pero walang nakakaalam kung kaibigan nila si Jayag.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pangyayari at inaalam kung pasahero ang mga biktima sa vehicle for hire umanong van.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.