Sindikatong gumagawa ng baril na posibleng ginamit ng Maute, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 11:48 AM | Updated as of Jul 05 2017 01:19 PM

Sinalakay ng Criminal Investigation and Detection Group - National Capital Region (CIDG-NCR) at ng Firearms Explosive Office (FEO) ng Philippine National Police (PNP) ang ilegal na pagawaan ng baril sa Sampaguita, Lipa noong Sabado. 

Isa umano sa mga ginagawa ritong baril ay pinaniniwalaang ginamit din ng grupong Maute sa Marawi, ayon sa pulisya. 

Narekober ang matataas na kalibre ng armas at naaresto si Romel Litan, umano'y lider ng gunrunning syndicate, sa isinagawang operasyon.

Bukod kay Litan, arestado rin ang 3 niyang kasama. 

Makikita sa lugar ang naglalakihang makina sa pagre-repair at pagma-manufacture ng baril. 

Kumpirmado ng FEO na walang license to manufacture, license to repair, license to gunsmithing, at license to operate ang sinalakay na pagawaan.

Ayon pa kay PNP Chief Director General Ronald dela Rosa, ang Spike's Tactical na isa sa mina-manufacture na baril ni Litan ay pinaniniwalaang ginamit din ng grupong Maute sa Marawi. 

"Ito 'yung baril na narekober. Take note 'yung gun niya, 'yung Spike's, 'yung seal. Maaalala ninyo, mayroong pictures dito. High-powered firearms seized in Marawi. Kasagsagan ng giyera sa Marawi, ito 'yung mga armas na narekober," ani dela Rosa. 

Hindi nakukuha sa bansa ang baril na ito, ngunit nagagaya umano ito ng naarestong sinasabing sindikato. 

"So ang gist of the matter ng manufacturing is the Spike's Tactical na baril... registered ito na baril sa abroad. Ito ang kanilang ginagaya. Hindi naman locally available ito so may pinapadalhang parts dito. Magaling siyang gumawa. He has the talent and the skill to do it, kaya kung makikita ninyo, ang finished product is like the original," ayon kay CIDG Director Chief Superintendent Roel Obusan.

Halos 700 Spike's Tactical rifles na ang naibenta ni Litan. Inaalam na ngayon kung saan-saan napunta ang mga baril. 

"20 years na raw siyang gumagawa, pero lately lang siya sumikat nang ginawa niya ang Spike's Tactical. Doon na lang siya naging in demand. According sa kanyang record book, from December 2015 up to now, 671 na ang kanyang in-assemble. May mga leads tayo kung ilan ang napunta sa Marawi, ilan ang napunta sa politicians, pulis, at sa military," ayon kay Obusan.

Sa pagkakaaresto kay Litan, nabawasan ang supplier ng baril, hindi lamang ng Maute kundi iba pang politiko o grupo, ani dela Rosa.

"In the future, bawas na ang supply nila ng firearms. Kung mag-mount pa sila ng another rebellion, bawas na rin ang source nila ng firearm. Na-neutralize na ang grupong ito, narekober natin ang mga armas, at saka 'yung mga conduit nila, o mga involved na mga politicians, or involved sa trafficking of firearms, the selling and buying of firearms, bawas na. At least, mahirapan sila maghanap na naman ng bagong contact," aniya.

Isasailalim sa cross matching at ballistics examination ang mga binuo mula sa mga gun parts para matukoy kung mayroon itong nagmamay-ari o pawang loose firearms.

Bahay ng pinsan ng Maute, hinalughog

Samantala, narekober ng mga awtoridad ang M203 grenade, blasting cap, battery, C4 explosive, detonating cord at ammonium nitrate na kabilang sa mga sangkap sa paggawa ng bomba mula sa bahay ni Irene Idris, ang pinsan ng Maute brothers sa Aluba, Barangay Macasandig sa Cagayan de Oro, kaninang Miyerkoles ng madaling araw.

-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.