Pasaherong 'kumakambiyo' sa jeep, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 07:55 PM | Updated as of Jul 06 2017 04:44 AM

Arestado ang isang lalaki sa Caloocan City matapos ireklamo ng mga kapwa pasahero sa jeep dahil sa umano'y ginagawang kalaswaan nito.

Sa cellphone video na kuha ng isa sa mga pasahero ng isang jeep sa Caloocan City, tila may itinatago lamang sa kanyang bag ang lalaking nakilalang si Bade Escalante.

Kuwento ng kumuha ng video na si Wichie Casabar, una niyang inakalang holdaper ang lalaki.

"Kinakabahan ako. Akala ko hoholdapin kami. Sabi ko, baba na kami nang maaga," ani Casabar.

Ngunit nang tumagal, nagulat si Wichie nang hindi pala baril ang ilalabas ni Escalante.

Inilabas ng lalaki ang kanyang ari, ayon kay Casabar.

Sa takot ng mga pasahero na pawang mga babae, nagbabaan sila ng jeep. Tiyempong may naka-duty na mga tauhan ng Caloocan Traffic sa lugar. Ipinahuli sa kanila si Escalante.

Aminado naman si Escalante na nakainom siya. Ito rin ang lumabas sa resulta ng alcohol test na isinagawa sa kanya.

Humingi siya ng tawad sa mga pasahero, pero itinanggi niyang pinaglalaruan niya ang kanyang ari.

"Kumakambiyo lang ako, sir," ani Escalante.

Nasa Caloocan Philippine National Police na si Escalante na inireklamo sa kasong public scandal.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.