Kulungan sa San Pablo City, nilagyan ng aircon

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 05 2017 08:58 PM | Updated as of Jul 06 2017 03:53 PM

Isa sa tatlong airconditioning units na inilagay ng San Pablo City Police sa kanilang custodial facility sa Laguna.

Naglagay ng tatlong airconditioning units ang San Pablo City Police sa kanilang custodial facility para maiwasan ang mga problemang kaakibat ng siksikan sa kulungan.

Matinding problema ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang jail congestion o pagsisiksikan ng mga preso sa mga detention cell.

Dulot nito ang pag-usbong ng iba't ibang sakit o pagkamatay ng ilang detainees sa iba't ibang kulungan sa Calabarzon kamakailan. May 46 na ang namamatay sa mga PNP lock-up cells sa rehiyon dahil sa paglobo ng populasyon bunsod ng kampanya laban sa ilegal na droga

Sa San Pablo City, 86 katao ang nagsisiksikan sa kulungan kahit 40 lamang ang kapasidad nito.

"Karapatang pantao pa rin ang pinapairal natin dito sa San Pablo. Sa tulong po ng ating butihing Mayor, siya po ang nag-provide ng aircon. Nagrequest ako sa kanya na kung puwede tulungan niya ako sa pambili ng aircon,” ani Supt. Ronan Claravall, hepe ng pulisya sa San Pablo City.

Ang paglalagay ng airconditioning units ay para rin daw maibsan kahit papaano ang kalagayan ng mga nakakulong. Ang mga ito ay nahaharap sa iba't ibang kaso at hindi pa napapatunayang nagkasala.

“Gusto ko, kahit nandito sila, nakakulong sila, may karapatan pa rin sila. Hangga't maaari, ma'am, maramdaman nila na kahit [detainee] sila, meron silang karapatan. Ibibigay natin sa kanila,” ani Claravall.

Bukod dito, nauna nang nagorganisa ang San Pablo PNP ng weekly at monthly check-up para sa mga nakapiit. Kasunod nito, plano raw nilang magkasa ng libreng haircut para sa mga ito.

Maliban sa San Pablo City, naglagay rin noon ng mga airconditioning units sa selda ng mga babaeng preso sa Imus, Cavite. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.