Pagtatanim ng malunggay, batas na sa isang bayan sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 03:48 PM | Updated as of Jul 05 2017 02:39 AM

NARRA, Palawan - Ginawa ng batas dito sa bayan ang pagtatanim ng malunggay hindi lamang para maging mas malusog ang mga residente ngunit upang mabigyan din ng sapat na pagkain ang mga ibong Katala o Philippine Cockatoo.

Sa tala ng mga awtoridad, mula sa 25 piraso noong 1998, ngayon ay hindi na bababa sa 300 na katala ang namamalagi sa lugar dahil hitik ang mga puno sa bunga.

Nakipagtulungan na din ang lokal na pamahalaan sa mga residente upang siguraduhin na walang manghuhuli sa mga ibon.

Dahil sa pamamalagi ng mga katala sa isla ng Rasa na sakop ng bayan, taon-taon nang idinaraos ng lokal na pamahalaan ang Katala Festival.

Nagdaos ng mga makukulay na parada, mga exhibit, quiz bee at mga mascot shows tungkol sa kahalagahan ng mga katala bilang bahagi ng pagdiriwang.

Hamon sa mga kabataan na ipagpatuloy ang pagprotekta sa mga katala lalo na muli na naman umanong binubuksan ang usapin sa planong pagpapatayo ng coal-fired powerplant sa bayan, ani Indira Widmann, founder ng Katala Foundation.