Nasagip na pawikan sa dalampasigan, pinakawalan din

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 11:43 AM

PUERTO PRINCESA - Nagpapatrolya umano sa dalampasigan ng City Beach, Sitio Tagbarungis, Barangay Inagawan Sub ang mga tauhan ng Bantay Gubat South noong Linggo ng gabi nang mapansin ang isang malaking pawikan sa buhangin.

Malakas pa umano ito kaya tingin nila maaaring naghahanap lang ito nang mapangingitlugan.

Pangamba lang ng mga nakakita na baka maabuso ito ng mga residenteng naninirahan sa lugar at mga mangingisdang napapadaan kung papabayaan lang kaya inalagaan na muna nila ito.

Tinatayang nasa 100 kilo ang pawikan na isang green sea turtle.

Threatened na ang ganitong uri ng pawikan.

Pinakawalan din ito kahapon para muling makabalik sa normal nitong tirahan.

Dahil sa stress, medyo hirap pa ang pawikan sa paglangoy kaya isang tauhan rin ng Bantay Gubat ang gumabay dito hanggang makarating sa malalim na parte ng City Beach.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development, umaakyat lang umano sa dalampasigan ang mga pawikan para mangitlog kung hindi man ay may problema ito sa kalusugan.

Pinaalala rin nila na may tamang paraan para makatulong sa mga pawikan. Mas maiging ipaalam umano ito sa kanilang opisina o di kaya'y sa Department of Environment and Natural Resources o Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center.

Anila, sa halip na makatulong, baka mas masaktan pa ang buhay-ilang kung walang kasanayan ang nais tumulong.

Mahalaga umano ang mga pawikan sa pagbalanse ng marine ecosystem kaya dapat umano itong mapangalagaan lalo pa na parte ng coral triangle ang Palawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.