Korte Suprema, pinagtibay ang batas militar sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 01:47 PM | Updated as of Jul 05 2017 03:10 AM

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyong kumukuwestiyon sa pagsasailalim ni Pangulong Duterte sa martial law ng buong Mindanao, ayon sa tagapagsalita ng korte na si Theodore Te nitong Martes ng hapon. 

Labing-isang mahistrado ang bumoto para sa pagbasura ng tatlong hiwa-hiwalay na petisyon laban sa martial law; tatlong mga mahistrado ang bumoto ng 'partially grant' at isa ang bumoto ng 'grant' bilang sagot sa mga petisyon. 

Sa Miyerkoles malalaman ang paliwanag ng mga mahistrado, ani Te. Dagdag niya, ang mayroon lamang ay mga draft ng mga opinyon na isasapinal pa bukas. 

Pinagtitibay ng desisyong ito ang deklarasyon ng martial law, at ang suspensiyon ng privilege of the writ of habeas corpus -- o ang paghuli nang walang arrest warrant. Ito ang unang pagkakataon na naisangkalan bilang basehan ng deklarasyon ng martial law ang Article 7, Section 18 ng 1987 Constitution, na naglalatag ng proteksiyon laban sa posibleng pag-abuso na gaya ng nangyari sa panahon ng martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. 

Ilang mapagkakatiwalaang mga source ng ABS-CBN News ang nagbigay ng pasilip sa naging botohan. 

Anila, ang 11 na bumoto kontra sa mga petisyong kumukuwestiyon sa martial law ay ang mga sumusunod: 

Associate Justice Presbitero J. Velasco, Jr.
Associate Justice Teresita J. Leonardo-De Castro
Associate Justice Diosdado M. Peralta
Associate Justice Lucas P. Bersamin
Associate Justice Mariano C. Del Castillo
Associate Justice Jose C. Mendoza
Associate Justice Bienvenido L. Reyes
Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe
Associate Justice Francis H. Jardeleza
Associate Justice Samuel R. Martires
Associate Justice Noel G. Tijam

Ang tatlo na 'partially grant' ang boto ay sina: 
Chief Justice Maria Lourdes Sereno
Senior Associate Justice Antonio Carpio
Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa

Samantala, sinabi ni Associate Justice Marvic Leonen na walang 'factual basis' ang deklarasyon ng martial law. 

Isinailalim sa batas militar ni Duterte ang buong Mindanao matapos magkaroon ng bakbakan sa pagitan ng grupong Maute at mga puwersa ng gobyerno sa lungsod ng Marawi noong Mayo 23.

Halos dalawang linggo matapos ang deklarasyon ng Pangulo, idinulog sa Korte Suprema ni Albay Rep. Edcel Lagman ang petisyon kontra sa pagsasailalim ng buong Mindanao sa batas militar at sa suspensiyon ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus.

Sinundan ito ng hiwalay na mga petisyong inihain ng grupo ng mga aktibista at militante sa pangunguna ni Eufemia Cullamat noong Hunyo 9.

Huling naghain ng petisyon ang apat na babaeng residente ng Marawi.

Para sa mga naghain ng petisyon, walang basehan ang Proclamation 216 ni Pangulong Duterte dahil wala ang dalawang kondisyon na nakasaad sa Konstitusyon na sa panahon lang ng pananalakay o 'invasion', o paghihimagsik o 'rebellion' maaaring gamitin ng Pangulo ang kapangyarihang magdeklara ng martial law.

Nagpatawag ng oral arguments ang Korte Suprema noong Hunyo 13, 14, at 15 para bigyan ng pagkakataon ang petitioners at Office of the Solicitor General, na siyang kumakatawan sa gobyerno, para ipaliwanag ang kanilang posisyon.

Pormal namang sinuportahan ng Senado at Kamara ang Proclamation 216. Nangangahulugang dalawang sangay na ng gobyerno ang nasa likod nito. 

Nauna namang nagpahayag ang pangulo na rerespetuhin niya ang desisyon ng Korte Suprema.

--Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.