Kita ng PNR, nababawasan sa salising pasahero

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 06:35 PM | Updated as of Jul 05 2017 03:36 AM

Sa kabila ng pagtataas ng pamasahe, may halos P200,000 pa ring posibleng nawawalang kita ng Philippine National Railways (PNR) dahil sa bitin na platform nito. Dahil dito ay nakakasalisi ang ilang pasahero, at nalilibre ng pamasahe. 

Tulad sa Buendia station ng PNR, hinabol ng isang tauhan nito ang isang estudyanteng biglang tumalon paakyat ng tren kahit wala pa siyang binabayarang pasahe.

Ayon sa estudyante, magbabayad din naman siya pagdating sa istasyong bababaan niya.

Pero ayon sa tauhan, ilang beses na raw na may kaparehang insidente nang bigla na lang sasakay sa tren nang hindi nagbabayad. Nangyayari iyon lalo na at bitin ang platform ng Buendia station. 

Nakadisenyo kasi ang Buendia platform para sa tatlong bagon lang ng tren. Pero dahil lima ang bagon ng PNR, lumalagpas ang dalawang bagon. Kaya nagkakaroon ng pagkakataon ang mga pasahero na makalusot nang di nagbabayad. 

Posibleng nawawalan pa nang dapat sana'y dagdag-kita ang PNR dahil sa mga insidente ng mga pasaherong pumupuslit sa pagsakay ng tren. Kaya ang panandaliang solusyon, maglagay ng mga magbabantay.

Pero bago matapos ang taon, bubuksan na ang bagong platform ng Buendia kung saan kakasya na ang limang bagon ngg tren. Babakuran din ang istasyon para wala nang makapuslit na pasaherong di nagbayad. 

Sa ngayon, lima lang ang tumatakbong tren ng PNR na nakapagsasakay ng nasa 45,000 kada araw. Nasa P700,000 lang ang kita ng PNR kada araw bago itinaas ang pasahe nito.

Simula lang nitong Hulyo, naging P15 na ang minimum na pasahe sa tren, mula sa dating P10. Naging P60 naman ang pinakamahal na pasahe, mula sa dating P45. Iyan ang pasahe para sa biyahe mula sa Tutuban station hanggang sa Laguna station.

Tinatayang aabot nang hanggang P1,000,000 ang kita kada araw ng PNR bunsod ng taas-pasahe.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.