Ginang pinatay ang 'nambabaeng' mister

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 08:58 AM

Inaresto ang isang ginang matapos pukpukin ng tubo at mapatay ang kanyang mister dahil sa pambababae umano nito sa Pozzorubio, Pangasinan nitong Linggo.

Ayon sa pulisya, nag-inuman pa ang mag-asawa bago mangyari ang krimen sa kanilang bahay sa Barangay Palacpac.

Kuwento naman ng suspek, nagdilim ang kanyang paningin nang mahuli ang mister na may kausap na babae sa telepono.

Napuno rin aniya siya dahil sa umano'y paggamit nito ng ilegal na droga.

"Noong pumasok na siya ng kuwarto, kinuha ko yung tubo saka pinukpok sa ulo niya kasi ayaw tumigil sa pagsa-shabu. Tapos nahuli ko may kausap sa telepono na babae," ani ng suspek.

Itinakbo pa ng mga kaanaak at kapitbahay sa ospital ang biktima, pero idineklara itong dead on arrival dahil sa 3 tama ng tubo sa ulo.

Nang puntahan naman ng mga imbestigador ang crime scene, wala nang dugo rito at maayos na rin ang mga gamit.

Unang sinabi ng mga kaanak ng suspek na may bumugbog umano sa biktima kaya ito namatay.

Pero dahil sa pag-amin ng ginang sa krimen, inaresto ng mga pulis ang kanyang 5 kaanak.

"Dahil pinagtakpan nila yung krimen pati sila kakasuhan ng obstruction of justice," ani Senior Insp. Jervel Rillorta, deputy chief ng Pozzorubio police.

Hindi naman matanggap ng nanay ng biktima ang pangyayari lalo't 18 taon nang kinakasama ng anak ang suspek.

Aniya, "Hindi ko alam kung paano niya nagawa. Masakit...Hindi ko alam kung mapapatawad ko pa siya."

Iuuwi sa Isabela ang labi ng biktima.

Humihingi naman ng tawad ang misis sa 2 anak na naulila sa ama. -- Ulat ni Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

EDITOR'S NOTE: Hindi pinangalanan ng ABS-CBN News ang biktima at suspek para sa kapakanan ng kanilang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.