Bakwit, umupa ng pedicab para maghanapbuhay

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 08:19 PM | Updated as of Jul 05 2017 02:06 AM

Dumiskarte na ang ilang lumikas mula sa Marawi para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Sa isang barong-barong sa Barangay Camaman-An sa Cagayan De Oro City, umuupa ng P500 kada buwan ang pamilya ni Omar Badeu dahil wala silang kamag-anak doon. Halos tatlong linggo na sila roon mula nang lumikas sa bakbakan sa Marawi

Para matustusan ang pangangailangan ng pamilya, umupa ng pedicab si Badeu para may ipasada. Kumikita ng P150 kada araw si Badeu mula sa pagpasada. Inuupahan niya naman ang pedicab ng P50.

Noong nasa Marawi pa sila, pagme-mekaniko ang kaniyang trabaho. Mas malaki man ang kinikita niya noon, mas mabuti na raw ngayon dahil ligtas naman silang mag-anak.

Pero marami pang ibang lumikas ang hindi pa rin nakakahanap ng pagkakakitaan. Kaya naman nagsasagawa na ang City Social Welfare and Development (CSWD) ng profiling o pagkalap ng mga detalye mula sa mga lumikas para mahanapan sila ng trabaho habang hindi pa nakakabalik ng Marawi. Maaari rin silang sumali sa libreng skills training ng city hall.

Sa huling tala ng CSWD, may higit 3,000 lumikas mula sa Marawi ang nasa Cagayan de Oro. 

-- Ulat ni Rod Bolivar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.