ALAMIN: Mga kagyat na kailangan ng mga taga-Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jul 04 2017 08:00 PM | Updated as of Jul 05 2017 03:54 AM

Sinimulan na ang pagtatayo ng "temporary shelters" para sa mga nawalan ng bahay sa Marawi. Itatayo ito sa 11-ektaryang lupa sa isang safe zone sa lungsod. 

Samantala, inisa-isa naman ng crisis committee ang mga kagyat na pangangailangan at ipinakikiusap sanang maipadala ng mga gustong tumulong. 

Hanggang 5,000 tents o bahay na gawa sa light materials ang kayang itayo roon para sa mga residenteng nawalan ng bahay. Magiging pansamantalang tahanan nila iyon sa loob nang hanggang isang taon.

Planong magbigay ng Department of Environment and Natural Resources ng mga kahoy mula sa mga nakumpiska sa ilegal na pagtotroso. Bibili naman ng tents ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tinatayang nasa isang buwan pa bago makalipat doon ang mga taga-Marawi. Umaasa silang sana’y sa mga panahong iyon, natuldukan na rin ang digmaan.

Muli naming namahagi ang DSWD ng tulong sa evacuees na nasa kapitolyo ng Marawi. Pero nang mag-ikot pa ang DSWD sa ibang bahagi ng lungsod, nakita nila kung gaako karami pa ang nangangailangan ng tulong.

Mga maaaring i-donate sa Marawi

Pakiusap ng Provincial Crisis Management Committee sa mga gustong mag-donate, isaalang-alang din ang nutrisyon ng mga pagkaing ibibigay. 

Hiniling din ng Provincial Crisis Management Committee sa Department of Science and Technology, sana’y magpadala sila ng technical assistance para magkaroon ng water filtration sa evacuation centers. Kulang na kulang kasi sa malinis na inuming tubig. 

Kailangan din ng mga donasyong sleeping kits, hygiene kits, mga damit, diaper sa mga bata, mga bakuna, at medisina.

Ayon sa Malacañang, nagpahayag na ang Amerika na tutulong sila sa rehabilitasyon ng Marawi. Sabi ng US Embassy, naging maganda ang pag-uusap nina Pangulong Duterte at US Ambassador Sung Kim tungkol sa Marawi. 

'Bakwit', nagpe-pedicab para buhayin ang pamilya 

Dumiskarte na ang ilang lumikas mula sa Marawi para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Sa isang barong-barong sa Barangay Camaman-An sa Cagayan De Oro City, umuupa ng P500 kada buwan ang pamilya ni Omar Badeu dahil wala silang kamag-anak doon. Halos tatlong linggo na sila roon mula nang lumikas sa bakbakan sa Marawi. 

Para matustusan ang pangangailangan ng pamilya, umupa ng pedicab si Badeu para may ipasada. Kumikita ng P150 kada araw si Badeu mula sa pagpasada. Inuupahan niya naman ang pedicab ng P50.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.