Rematch o retirement? Pacman, mag-iisip pa

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 09:59 PM

Sa kabila ng ilang panawagang magretiro na, di pa rin desidido si Manny "Pacman" Pacquiao kung tuluyan nang magpapaalam sa boxing.

Aniya, magpapagaling muna siya mula sa bakbakan nila ni Jeff Horn nitong Linggo, Hulyo 2, sa Brisbane, Australia.

Saka na rin lang umano niya pag-iisapan kung magkakaroon pa ng rematch ang laban nila ni Horn. Pero nais ni Pacquiao na sa Pilipinas ganapin ang rematch kung matutuloy man.

Pakikiusapan naman ni Jinkee Pacquiao ang asawang boksingero na magretiro na dahil hindi na rin bumabata ang 'Pambansang Kamao'.

"Iyon lang siguro ang ipapakiusap namin sa kaniya. Mas magiging happy ako at si Mommy D and, of course, iyong mga anak ko,” ani Jinkee.

Nais din ng ina ni Pacman na si Mommy Dionisia na tumutok na lang ang anak sa trabaho niya sa Senado. 

"Tutok na lang siya sa Senado, tutok na lang siya sa mga anak niya, tutal sa kahirapan, namuhay man tayo. Alagaan na lang niya ang mga anak niya at kung may kaunting negosyo, iyan na lang ang tutukan nila," aniya.

Hindi pinanood ni Mommy D ang laban pero naniniwala siyang nanakawan ng panalo ang anak.

"Nanalo si Horn dahil sa dayaan naman. Iyong referee, hindi nakatingin... Sa tingin ko, nabagsak man si Horn. Nabagsak siya," aniya.

Nag-alala naman si Jinkee nang makita ang mga sugat sa mukha ni Pacquiao.

“Doon ako kinabahan na baka mahinto iyong fight," aniya. “Noong na-headbutt na siya, doon ako natakot kasi ayaw kong nakikita siyang duguan.”

Para kay Jinkee, 'close fight' ang laban ng asawa at ng Australyano.

“Malakas din kasi si Horn. Pero si Manny, pinakita pa rin niya ang kaniyang lakas at bilis,”ani Jinkee.

Pacquiao: Di ako nagkulang

Dumepensa naman si Pacquiao sa mga komento ng boxing analysts na kulang siya sa paghahanda sa laban nila ni Horn.

"Hindi naman kulang sa preparasyon, talagang matibay lang si Jeff Horn at iyong laban niya iyong tibay niya," ani Pacquiao. "Hindi naman siya masyadong magaling. Hindi naman ako napagod hanggang 12 rounds."

Hindi rin naman naging problema sa kaniya kung maruming maglaro ang kalaban, pero pinulaan ni Pacman ang referee.

"Ang problema lang dito, iyong referee, hindi ko alam kung sinasadya talaga niya o kung wala talaga siyang experience," ani Pacquiao. "Wala siyang alam. Pinabayaan na lang niya. Kumbaga, iyong referee parang tinutulungan pa ang kalaban ko." 

Nag-focus din si Pacquiao sa pag-knockout sa kalaban kaya nawala niya ang dating diskarteng magpapaulan ng suntok.

Naagaw ni Horn kay Pacquiao ang WBO welterweight title sa pamamagitan ng unanimous decision. Bumagsak sa 59-7-2 win-loss-draw ang record ni Pacquiao habang nananatiling walang talo si Horn sa 17-0-1.

Binigyan naman ng mainit na pagsalubong si Pacquiao pagdating niya sa General Santos City, isang araw matapos ang laro sa Australia.

-- May ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.