Marawi crisis, inaasam matapos bago mag-SONA

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 08:35 PM | Updated as of Jul 04 2017 03:15 AM

Umaasa ang Department of National Defense na matatapos na ang sigalot sa Marawi bago mag-Hulyo 24, ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte. Hirit naman ng militar sa mga terorista, ‘surrender or die’. 

Makalipas ang 42 araw mula nang umatake sa Marawi, lumiliit na umano ang ginagalawan ng mga terorista. Walang tigil ang opensiba ng militar habang unti-unti nilang binabawi ang bawat bahay at gusali na pinagkutaan ng mga kaaway. 

Umaasa si Defense Secretary Delfin Lorenzana na hindi na aabot ang bakbakan sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa Hulyo 24. 

Pinapasuko na rin ng militar ang mga natitirang teroristang Maute na nakikipaglaban pa rin sa Marawi. Ika nga nila, ‘surrender or die’. 

Pero sa ilang komunikasyon ng Maute na natunugan ng militar, mukhang desidido ang ilang miyembro na mamatay nang lumalaban.

Ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, aabot na sa 337 ang napatay na miyembro ng Maute, pero nasa 100 pa ang lumalaban at kung susuko sila, hindi ibig sabihin wala nang pananagutan sa batas. 

Hiling din ng lokal na pamahalaan, sumuko na ang mga terorista. Kung ayaw dumiretso sa gobyerno, puwede rin naman daw sumuko sila sa ibang grupo tulad ng Moro Islamic Liberation Front.

Humingi naman ng paumanhin ang militar sa mga residenteng apektado ng bakbakan sa Marawi.

Samantala, ilang sibilyang nakatakas mula sa war zone ang nagsabing buhay si Fr. Chito Suganob, at kasama ang iba pang mga hostage ng grupong Maute.
 
"Ang panayam po namin doon sa mga survivors or escapees 3 days ago po is buhay siya. Kasama siya sa parang isang hostage area," ani Herrera.
 
Dagdag pa niya, ginagawa rin umanong tagaluto ng mga terorista si Fr. Suganob.

Pagpapalista para sa cash assistance, hanggang Hulyo 5 lang

Hanggang sa Miyerkoles, Hulyo 5, na lang puwedeng magparehistro para sa ayudang pinansiyal ang mga pamilyang apektado ng bakbakan sa Marawi. 

Mamamahagi ng tig-P5,000 ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bawat pamilyang lumikas mula sa Marawi.

Ang mga pamilyang nakatanggap na ng P1,000, makatatanggap na lang ng P4,000.

Pero kailangan munang magparehistro ng mga pamilya sa kanilang barangay. Dapat ding makakuha ng ‘disaster family access’ card sa City o Municipal Social Welfare and Development Office. Paliwanag din ng DSWD, makukuha pa lang ang cash assistance pagbalik ng mga ‘bakwit’ sa Marawi, oras na naging maayos na ang sitwasyon doon. 

Hindi naman lubos maisip ngayon ng mga taga-Marawi kung paano pa sila babangon.

Maging ang mga negosyanteng dating mas nakaluluwag sa pamumuhay, problemado kung paano ngayon bubuhayin ang kanilang pamilya. 

Pagpawi sa trauma ng mga bata, tinututukan

Pinangangambahan ng isang grupo ang epekto ng karahasan sa isip ng mga musmos. Maaari kasing dalhin ng mga bata ang trauma mula rito hanggang sa kanilang pagtanda.

Sinusubukan itong maagapan ng organisasyong “Teach Peace Build Peace Movement” sa pamamagitan ng mga palaro, pagtuturo, at pagkanta ng mga paslit.

Sa tulong din ng pagguhit, inaasahang mailalabas ng mga bata ang kanilang bitbit na takot mula sa kaguluhan. Tulad sa isang larawang iginuhit ng 5 anyos na bata, tampok sa kaniyang ‘drawing’ ang kanilang bahay sa tabi ng puno na may mga bulaklak. Iyon nga lang, may tangke rin ng militar sa kaniyang drawing.

Ayon sa isa sa mga nangasiwa sa mga aktibidad ng mga bata, nagkuwento rin ang ilang musmos tungkol sa pauli-ulit nilang bangungot na maaabot pa rin sila ng giyera. Mayroon ding madalas umiiyak dahil gusto nang umuwi sa kanilang bahay sa Marawi.

Umaasa na lang ang mga nakatatanda na sa pamamagitan ng paglalaro at pag-awit, unti-unting mapapanatag ang puso’t isipan ng mga paslit.

Task Force ‘Bangon Marawi’, inatasan ni Duterte para sa rehabilitasyon ng lungsod

Ipinag-utos na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng Task Force ‘Bangon Marawi’ na binubuo ng iba't ibang ahensiya ng pamahalaan para tumutok sa rehabilitasyon ng Marawi kabilang na ang pagtatayo ng mga nasirang imprastraktura at bahay ng mga residente.

Si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang inatasan ng Pangulo na manguna sa task force. 

Oras na matapos ang bakbakan, nakahanda na raw ang gobyernong pumasok at simulan ang pagbangon ng lungsod.

Maglalaan ng P20 bilyon ang gobyerno para sa rehabilitasyon ng lungsod na kukunin mula sa pondo ng mga ahensiyang miyembro ng task force.

Sa Marawi central business district na matinding tinamaan ng bakbakan, prayoridad ang muling pagbubukas ng mga tindahan at bangko para magamit ng mga residente. Magpapatayo rin ng mga tent city bilang pansamantalang tirahan ng mga apektadong sibilyan. 

Ilang bansa na rin ang nagpasabi na tutulong sa pagbangon ng Marawi, kabilang ang Israel, China, Australia, at Amerika. 

Nauna nang sinabi ng Malacañang na natuto na ang gobyerno sa umano’y pagkakamali ng nakaraang administrasyon sa Tacloban City matapos ang pagbayo ng super bagyong Yolanda.

Nangako ang administrasyong Duterte na magiging mabilis at maayos ang gagawing rehabilitasyon sa Marawi at hindi raw ito puputaktihin ng mga bangayan at pamumulitika. 

Kutson, unan, pagkain para sa sugatan

Samantala, pinangunahan naman ng partner ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña ang pamamahagi ng kutson, unan, at pagkain para sa mga sugatang sundalo at mga sundalo na ipadadala sa Marawi city.

Kahit naman iniintindi kung paano susupilin ang kalaban, naghanda pa rin ng grocery items at toiletries ang 4th Infantry Division Ng Philippine Army para ibigay sa mga lumikas mula sa Marawi.

Sa Iligan City, isang mall naman ang namahagi ng mga pagkain at gamit sa bahay sa mga nasa evacuation center. Bumisita rin ang Rotary Club Of Manila para malaman kung ano-ano pa ang puwedeng itulong sa mga taga-Marawi.

-- Ulat nina Rod Bolivar, Ron Gagalac, at Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.