Karambola ng trak, 2 kotse sa NLEX nagpasikip ng trapiko

ABS-CBN News

Posted at Jul 03 2017 03:51 PM

MAYNILA - Nagdulot ng pagsisikip sa trapiko ang aksidenteng kinasasangkutan ng isang trak at 2 kotse sa southbound lane ng North Luzon Expressway (NLEX), Lunes ng hapon.

Ayon sa NLEX traffic monitoring unit, naitala ang aksidente bandang alas-2 ng hapon at nabarahan nito ang 3 lane sa may Marilao exit.

Matapos ang may 30 minuto, nakadaan na muli ang mga sasakyan sa lahat ng lane sa may Marilao exit, subalit ang mabigat na trapiko ay umabot na sa tapat ng Philippine Arena.

Sa inisyal na ulat, lumalabas na malakas ang ulan sa naturang lugar nang mawalan ng kontrol ang trailer truck bago tumama sa dalawa pang kotse. 

Naiulat naman sa NLEX traffic monitoring unit na may isang bahagyang nasugatan sa aksidente at agad itong nalapatan ng paunang-lunas.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa aksidente.