Pasahe sa tren ng PNR, tumaas na

ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2017 05:13 PM

Tumaas na ang pasahe sa tren ng Philippine National Railways (PNR) simula ngayong Sabado, Hulyo 1.

Mula sa dating P10, tumaas na sa P15 ang minimum na pasahe sa PNR. May dagdag ding P1.07 sa pasahe para sa kada kilometro biyahe ng tren.

Bago nito, dalawang dekadang napako sa P0.71 ang dagdag pasahe sa kada kilometrong biyahe ng tren.

Magiging P60 naman ang dating P45 na pinakamataas na pasahe sa tren mula Tutuban station hanggang sa Laguna station.

May ilang pasaherong umaalma pa rin sa taas pasahe habang may iba namang naiintindihan ang fare hike.

Hiling na lang ng mga pasahero, kaakibat sana ng pagtaas sa pasahe ang pagsasaayos sa pasilidad ng PNR at ang pagpapaikli sa oras ng paghihintay sa mg biyahe ng tren.

Nauna namang sinabi ng pamunuan ng PNR na iikli na ang oras ng paghihintay sa tren. Bukod pa riyan, mananatili rin ang 20% discount para sa senior citizens.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.