VACC: Resolusyon ng masaker sa Bulacan, tila napaaga

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 12:55 PM | Updated as of Jun 30 2017 07:19 PM

Tila napaaga ang isinagawang press conference ng Philippine National Police (PNP) Regional Office 3 na nagsasabing naresolba na ang kasong masaker ng isang pamilya sa Bulacan, ayon sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC). 

"Ang pananaw namin dito, medyo premature yung press conference kung saan hindi siya supported ng hard pieces of evidence katulad nung forensic evidences coming from SOCO (Scene of the Crime Operatives)," pahayag ni Arsenio Evangelista, tagapagsalita ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).

"Hina-highlight dito ay yung 33-hours case solved," aniya. 

Ayon kay Evangelista, naniniwala umano ang ama ng tahanan ng mga biktima na si Dexter Carlos Jr. na hindi lamang isa ang suspek na pumatay sa kanyang pamilya.

Sa rules of judicial process, ang mga ebidensiya tulad ng forensic reports ang susuporta para maging "airtight" ang kaso.

"Kaso, katulad nung isang confession, extrajudicial confession not in the presence of a lawyer, hindi po tatayo yan," paalala niya.

Sa press conference nitong Huwebes, sinabi ni Region 3 Director Chief Supt. Aaron Aquino na umamin ang nahuli nilang suspek na si Carmelino Ibañez sa pagpatay sa mag-anak ni Carlos.

Martes ng umaga nang madatnan ni Carlos, isang security guard, na duguan at wala nang buhay ang kanyang asawang si Estrella, ang tatlo nilang mga anak at kanyang biyenan na si Auring Dizon,

Nagtamo ng 45 na saksak ang kanyang asawa, at 32 naman ang kanyang biyenan. May 15 saksak naman ang tinamo ng kanyang panganay na anak, 19 ang pangalawa, at lima sa bunso na 1 taong gulang pa lamang.

Hinihinala din na ginahasa ang kanyang asawa at biyenan.

Sa panig naman ni Aquino, hindi maituturing na pagmamadali ang ginawa nilang press conference kahapon dahil patuloy pa rin naman nilang tinututukan ang kaso.

"Hindi pa kami tapos, marami pa kaming tututukan," sabi niya.

Hinihintay pa rin nilang lumabas ang resulta ng mga naisumiteng ebidensiya sa crime laboratory, ani Aquino.

"Kahapon, na-inquest na po namin yung kasong ito at sinisilip pa namin yung ibang anggulo ng kaso, para makuha namin ang full picture," sabi niya.

Pero lumalabas na hanggang ngayon ay wala pang ibinibigay na extrajudicial confession ang arestadong suspek.

"Kahapon, kausap ko yung chief of police, sinabi niya yun ang gagawin niya. At during the press conference, wala naman siyang sinabing hindi nakuhanan ng extrajudicial confession kaya during that press conference, I assumed everything was in order," dagdag pa ni Aquino.

Bago pa man umano ang press conference, itinanong din niya sa suspek kung sino-sino ang mga kasama nito sa pagpatay at paghalay sa mga biktima.

"Sabi ng suspect, siya lang mag-isa [ang] gumawa ng krimen. Pero there are some questionable na sinasabi niya dahil nga may mga statements siya such as 'parang ako lang po ata yung gumawa ng krimen,' kasi tinatanong ko sa kanya sino 'yung gumawa, parang he is not sure whether he is alone or with somebody else during the commission of the crime," sabi ng opisyal.

Sa kabila nito, ibinahagi ni Aquino na may makukuha silang CCTV footage mula sa convenience store kung saan pangalawang nag-inuman ang suspek at mga kasamahan niya.

"Makikita namin doon sa CCTV na 'yun kung sino 'yung mga kasama niyang dumating doon sa convenience store at sino 'yung mga kasama niya nung umuwi siya," sabi ni Aquino.

Inamin naman ng opisyal ang kanilang pagkukulang sa masusing pag-imbistiga sa kaso.

"I was so eager that time to tell the real story. Besides, I was told also by our Chief PNP [Director General Ronald dela Rosa] to have that press conference 'yung umaga na yun. Bilang regional director, sundin natin chief PNP," ani Aquino.

"But you know, tama kayo na may mga anggulong nami-miss out natin," pag-amin niya. "As regional director, I will ensure na kung anuman ang kakulangan na yun ay gagampanan namin within the day."

Samantala, hihilingin naman ni Aquino na mapunta sa kanilang key witness ang pabuyang P100,000 na ibibigay ng alkalde ng San Jose del Monte, Bulacan.

"Isa-suggest ko sana na ibigay yung P100,000 sa witness na nakapagturo po...pauwi na yung witness na yun at nasalubong niya yung suspek. Siya rin po ang nakapagbigay ng clearer picture para mabuo ang nangyari sa kasong ito," kuwento ni Aquino.

Tiniyak din ni Aquino na walang mangyayaring masama sa suspek habang nasa kustodiya ng pulisya.

"Binigyan naman po ako ng assurance ng provincial director at chief of police ng safety ng suspect," sabi niya.