Suspek sa pagpatay sa environmental lawyer, arestado sa Davao City

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Jul 01 2017 05:25 AM

Arestado sa Davao City nitong Biyernes ang suspek sa pagpatay sa isang environmental lawyer sa Bohol noong Pebrero.

Inaresto si Lloyd Gonzaga sa kanyang tinutuluyang bahay sa Juan Luna Street sa Davao City, pasado alas-tres ng hapon.

Si Gonzaga ay isa sa dalawang suspek sa pagpatay kay Atty. Mia Mascarinas-Green.

Tinambangan ng mga suspek ang van na minamaneho ni Mascarinas-Green at pinaputukan ito.

Naisugod sa hospital ang abogado ngunit binawian din ng buhay.

Nahaharap ang suspek sa kasong murder, frustrated murder, at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Explosives.

Nakapiit ngayon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group-11 si Gonzaga at nakatakdang i-byahe sa Bohol kung saan niya haharapin ang mga kaso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.