Ilang 'bakwit', tulala; tulong pinansiyal, di maibahagi sa lahat

ABS-CBN News

Posted at Jun 30 2017 08:08 PM | Updated as of Jul 01 2017 10:25 AM

Habang patuloy ang pag-ulan ng mga bala sa Marawi, tuloy din ang pagdami ng mga problema ng mga 'bakwit' sa evacuation centers. 

Maliban sa mga nauna nang naitalang mga sakit sa mga evacuation centers, nagiging problema na rin ang sakit sa pag-iisip. 

Natatagalan din ang pagdating ng tulong pinansiyal para sa mga 'bakwit' dahil umano sa problema sa sistema. 

Ilang bala ang tumama sa kapitolyo ng Marawi kaninang umaga ng Biyernes, gayundin sa ikatlong palapag ng evacuation center. Tumama ang isang bala sa pader bago ito bumagsak sa harap ng isang batang naglalaro. 

"Narinig namin 'yung putok. 'Sino 'yung naano?' Pagtingin namin, ito (bata). Paganoon-ganon siya e, 'yung bala nasa harap niya," ayon kay Aisa Ador, isang 'bakwit' sa Marawi. 

Ilang 'bakwit', natutulala, di makausap nang maayos

Sa mga evacuation center naman sa labas ng Marawi, hindi bala kundi problema sa pag-iisip ang naitatala. 

Sa ulat ng provincial crisis management committee, nasa 2,500 na ang mga kaso ng mental health problems na naitatala.

"Kapag kinakausap, walang coherency sa thoughts. Natutulala. Iba-iba na ang sinasabi. Wala na sa reality. Hindi na conscious sa surroundings," ayon kay Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng crisis committee. 

Kaya kailangan nila ng mas maraming doktor at eksperto.

Tulong-pinansiyal para sa mga 'bakwit', naaantala

Sa tindi ng pinsalang inabot ng Marawi, nananawagan na rin ang mga awtoridad sa mga kapwa nilang Muslim sa ibang bansa na tulungan sila, lalo pa't nagkakaroon din ng pagkaantala sa pamimigay ng tulong pinansiyal para sa mga 'bakwit'.

Humingi ng pasensiya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa delay na nangyayari sa pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mga apektadong 'bakwit'. 

Nagbigay na rin ang DSWD ng hanggang Hulyo 5 para makapagparehistro ang lahat ng mga internally displaced persons (IDP) o mga lumikas nang mabigyan ng tulong. 

Isa sa mga 'bakwit' na di pa natatanggap ang P1,000 tulong ng DSWD sina Anisha Dema. Aniya, malaking tulong sana iyon sa kanila. 

"Pambili sana ng mga gamit sa bahay, kasi wala kaming kadala-dala na gamit. Mga lalagyan ng kanin pag kumakain kami, mga nilulutuan, mga thermos," ani Dema. 

Sa ibang mga lugar, may mga home-based evacuees na hindi pa nabibigyan ng relief goods. 

Nauna nang sinabing magbibigay ng P5,000 pra sa bawat pamilyang 'bakwit' ang DSWD. Nasa P1,000 rito ang para sa pagdiriwang ng pagtatapos ng Ramdan, at P4,000 kapag nakabalik na ang mga 'bakwit' sa kanilang bahay.

Ngunit dahil libo-libong pamilya ang nadagdag sa listahan mula noong Mayo, nagiging problema ang pagberipika sa mga taong lumikas, ayon kay DSWD Secretary Judy Taguiwalo. 

"Ang problema talaga natin ngayon, mobile ang ating mga IDPs. Kung nahuhuli man ho, pasensiya na po. Pangalawa, kokonti lang pumupunta sa evacuation centers. Ito, hindi namin ma-house-to-house. We don't have enough personnel to do that for the validation," ani Taguiwalo. 

Proseso ng pagpaparehistro, pinasimple na

Para masolusyunan ang problemang ito, ginawa nang mas simple ang proseso ng pagpaparehistro. 

Kailangan lang magpunta sa mga barangay kapitan ng kanilang tinutuluyan. 

"Kung may ID sila, ipakita ID that they are from Marawi, that they are IDPs because of the war. Pangalawa, kung walang ID, mag-issue ng certification ang barangay. May form din dapat si Kapitan saying he or she reported na internally displaced person siya, and he or she has no papers to show it, tapos kakausapin sila ng social workers for validation saka mag-i-issue ng green card," paliwanag ni Taguiwalo. 

Binigyan naman ang mga lumikas hanggang Hulyo 5, 2017 para makapagparehistro. 

Sa ngayon, nasa 50% pa lang ang DSWD sa pamimigay ng P1,000 cash assistance, pero magpapatuloy ang pamimigay sa mga nauna nang naiparehistro. 

Mga namamatay sa Marawi, dumarami pa

Kasalukuyang nasa ika-37 araw na ng digmaan sa Marawi. Mula sa puwersa ng gobyerno ay 82 ang namamatay. Tatlo sa bilang na ito ang pulis, at ang iba ay mga sundalo. 

Umabot naman sa 605 ang bilang ng mga sugatan. Isang sundalo naman ang nawawala.

Ito na ang pinakamalaking bilang ng sundalong namatay at nasugatan sa isang digmaan sa mga nakaraang dekada.

Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines, 310 terorista na ang napapatay nila, at halos 400 baril na ang kukumpiska. 

Higit na nag-iingat na rin ngayon ang tropa ng militar sa loob upang hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga sundalong napapabagsak sa bala ng kalaban. 

-- Ulat nina Ron Gagalac, Kori Quintos, at Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.