Mga 'bakwit', walang matulugan kapag umuulan

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 07:44 PM | Updated as of Jun 30 2017 12:38 AM

Walang gamit. Walang babalikang bahay. Ngayon, walang matulugan. 

Panibagong hamon ang kinahaharap ng mga 'bakwit' ngayong tag-ulan. Kanya-kanyang diskarte ang mga nananatili sa mga gym at tent sa Lanao del Sur at Lanao del Norte para maiwasang mabasa ng ulan tuwing hapon. 

"Nabasa 'yung mga gamit namin. Malakas ang hangin. 'Yan ang problema namin," ayon kay Edith Tumambing, isa sa mga 'bakwit'. 

Aniya, tuwing umuulan, napipilitan silang lumipat ng puwesto dahil pumapasok ang ulan sa loob ng evacuation center. 

Naglalagay naman ng mga batsa o timba ang ilang 'bakwit' upang saluhin ang tulo sa bubong. 

Hinihintay din kung kailan hihinto ang ulan bago matulog sa mga sahig. Tanging karton at banig ang kanilang hinihigaan. 

"Kung magdamag ang ulan, wala kaming matutulugan kasi basa ang mga higaan namin," ayon naman kay Marivic, isa pang 'bakwit'. 

Nagtayo na rin ng mga papag na gawa sa kawayan ang ilang 'bakwit' na namamalagi sa mga tent. 

Kailangan din nila ng unan at kutson, dahil sako ng bigas at pinagsama-samang damit naman ang ginagamit ng ilan. 

Sa huling ulat ng National Disaster and Risk Reduction Management Council, nasa 27 na ang namamatay sa mga 'bakwit' sa ospital dahil sa mga sakit na pneumonia, dehydration dahil sa diarrhea o pagtatae, at iba pang mga sakit. 

Pinangangambahang tumaas pa ito dahil na rin sa pagpasok ng ulan sa evacuation centers.

Patay, nasa 400 

Nasa 418 na buhay na ang nawawala dahil sa giyera sa Marawi, ayon sa militar. Kasama sa bilang na ito ang mga nasawing sundalo, pulis, mga teroristang grupo, at mga sibilyan. 

Pitumpu't isa sa mga sundalo ng gobyerno ang binawian ng buhay, 303 naman ang nalagas na mula sa mga kalaban, at 44 na sibilyan na ang nasawi, sabi ni Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng militar, nitong Huwebes ng hapon. 

Bukod sa mga namatay, maraming ari-arian din ang nawala. 

Ilan lamang ang mga bahay at gusali sa Barangay Banggolo sa mga halos mapulbos at madurog ng digmaan. Halos wala na ring natirang bahay sa isang komunidad malapit sa Islamic Center.

May mga kalsadang hindi pa madaanan dahil sa mga nakakalat na wasak-wasak na bahagi ng mga gusali at iba pang bagay sa war zone. 

Pati ang tangke ng militar, winasak ng kanilang kalaban matapos masunog ang ilang bahagi nito dahil sa mga fuel bomb at anti-tank weapon ng Maute. 

'It's beyond evil' 

Dahil sa mga nawasak na buhay at mga nasirang tahanan, hindi maiwasang makadama ng hinagpis ang mga residente.

"It's beyond evil. All Maranaos couldn't describe how they feel. It's beyond evil. You feel helpless and angered," ayon kay Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng Crisis Committee roon. 

Anila, tila bangungot itong kailangang lagpasan.

"Masakit ito sa amin dahil ito ang Islamic City of the Philippines. This is the heart of the Islamic of the Philippines. Mahalaga ang buhay ko, mahalaga ang buhay ng madaming Muslim, lahat at lahat ng taga-Mindanao," ayon sa residenteng si Taguranao Manardas.

Naisin man ng militar na itodo ang kanilang opensiba sa Marawi, nasa 200 hanggang 300 pa ang naiipit na sibilyan sa bakbakan, at nasa 100 pa ang hawak na hostage ng kanilang kalaban. 

"Kung wala lang sibilyan diyan, we will use all available assets. We are guided by rules of engagements," ani Herrera.

Ayudang P1,000, naipamahagi na

Nanlulumo man ang mga taga-Marawi, marami pa rin ang sinusubukang bumangon. 

Kasama na rito ang pagtitiyaga ng mga 'bakwit' sa pagpila upang makatanggap ng P1,000 emergency cash assistance kada pamilya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Paunang bigay pa lamang ito at may P4,000 pang ipamamahagi sa mga susunod na araw, ayon sa DSWD. 

"Ang P1,000 ay intended para sa Ramadhan, pero hindi nakahabol. Puwede 'yun gamitin sa gagastusin nila na hindi naibibigay ng gobyerno. Hindi naman pangangailangan ng tao ay pagkain lang. Pambili nila ng ibang bagay," ayon kay Asnaira Bunsa ng DSWD Region 12 Crisis Intervention. 

Patuloy ring umaapela ang mga 'bakwit' para sa pagkain, damit, at gamot, lalo't hindi pa natutuldukan ang gulo sa Marawi. 

-- Ulat nina Ron Gagalac at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.