Estudyanteng P20 baon kada araw, graduate na ng kolehiyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 05:02 PM | Updated as of Jun 29 2017 05:36 PM

"Hanggang saan aabot ang 20 pesos mo?" Tulad ng dating commercial, higit pa sa isang ice cream ang naabot ng P20 ni Robin Lee Metiam.

Ang pagtatapos ni Metiam sa Tarlac State University sa kursong electrical engineering ang isang patunay na nagawa niyang maitawid ang buhay magaaral sa budget na P20 kada araw.

"Nag-start po yun nung first year college po ako. Nung time na nawalan ng trabaho si Papa. From P50 na baon ko nung high school, naging P20 na lang po kasi talagang hindi na kaya," ayon kay Metiam.

Ikalawa pa lamang siya sa pitong magkakapatid na nakatapos sa pagaaral.

Paano nga ba niya pinagkakasya ang P20 baon para sa pagkain at pamasahe?

Kuwento niya, ang pamasahe papunta at pabalik sa kanila ay P14. Ang natitirang P6 ay ipinambibili niya minsan ng P5 palamig at isang kendi.

"Minsan naman, kung wala pong palamig, bumibili po ako ng tinapay tapos dumidiskarte po ng tubig sa drinking fountain," sabi niya.

Sakaling may pagkain sa bahay, dadamihan na lamang niya ang kain sa agahan at babawi sa hapunan pag uwi mula eskuwelahan.

Laking pasalamat niya at nung nasa 3rd year siya sa kolehiyo ay nagawa na niyang ipasa ang eksaminasyon upang makasali siya bilang scholar ng DOST.

"Nagkaroon po ng opportunity nung second year pero nung unang take ko ng exam hindi po ako nakapasa. Nung dumating yung 3rd year college, nagkaroon ng another opportunity then hindi ko na pinakawalan, nag aral ako lalo, pinaghandaan ko na yung exam," sabi niya.

Nang maging scholar, nakatatanggap na si Metiam ng allowance na P5,000 kada buwan na kanyang hinahati para din sa kanyang mga magulang.

"Gastusin sa bahay tumutulong din ako," sabi niya.

Pero sa kabila ng allowance na nakukuha, hindi binago ni Metiam ang kanyang pagiging matipid. Sa halip ay ipinagpatuloy pa niya ito.

"Nung two years po sa college di po ako mamumulat sa responsibility at hindi po ako matututong mag-tiyaga, patient at understanding sa family kung di dahil sa P20 na yun," paliwanag niya.

Ang pagbabahagi niya ng karanasan sa Facebook ay hinangaan ng marami. Sa katunayan, nakatanggap ito ng 64,000 na "Likes" at nai-share ng higit sa 17,000 beses.

Sa mga panahon gipit sila sa maraming bagay, dito niya pinagpasyahang kumapit sa Panginoon.

"Yun ang naging susi ko kung bakit naitawid ko yung five years sa college. Nagkaroon ako ng faith kay Lord. Naniniwala ako na anuman yung plano niya sa aking mangyayari at mangyayari po yun kaya hindi po ako nagsawang manampalataya sa kanya," sabi niya.

Hinikayat niya ang tulad niyang estudyante o pamilya na naghihirap na magkaroon din ng kaisipan na "hindi tayo mapipigilan ng kahirapan."

"Lagi nating isipin na hindi po porket mahirap tayo, mamamatay tayong mahirap. Kailangan ng positive outlook sa sitwasyong dinaraanan natin," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.