Babae, patay nang matusok ng bakal matapos atakihin ng epilepsy

Dennis Datu, DZMM

Posted at Jun 29 2017 07:06 PM | Updated as of Jun 29 2017 09:23 PM

Nasawi ang isang babae matapos na matusok ng matulis na bakal sa bakod ng Plaza San Lorenzo Ruiz sa Binondo, Maynila Huwebes ng umaga.

Nagmamaneho ng e-bike ang biktimang si Emilita Vergara, 51-anyos, nang sumpungin umano ng epilepsy.

Natumba ito at tumama ang mukha sa bakal na bakod ng Plaza San Lorenzo Ruiz.

Tumusok pa ang matulis na bakal sa kaliwang mata.

Ayon kay Barangay 287 kagawad Herbert Tuisieng, kinailangan pang putulin ng rescue team ang bakal na nakatusok sa mata kaya tumagal ng higit isang oras bago ito naitakbo ng Red Cross sa Metropolitan Medical Center.

Pero tanghali nang binawian na rin ng buhay ang biktima dahil ang bakal ay derechong tumusok sa utak.

Nakausap ng Radyo Patrol ang mga kasamahan sa trabaho ng biktima na ayaw nang magpabanggit pa ng pangalan.

Ayon sa kanila, matagal na nilang pinagsasabihan ang biktima na huwag magmaneho ng motorsiklo dahil sa palagiang pagsumpong ng epilepsy pero hindi umano ito nakinig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.