Trauma, depresyon, problema ng mga 'bakwit'

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 06:46 PM | Updated as of Jun 29 2017 01:40 AM

Ibinalik muli sa ospital ang babaing inabangan at hinintay ng 22 araw ng kanyang asawang mailigtas o makawala mula sa pagkakaipit sa bakbakan sa Marawi. Nagpapakita kasi ito ng senyales ng matinding trauma. 

Isa rin sa mga binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) ay ang posibleng pagkakaroon ng mental health problems ng mga bakwit dahil sa nangyari sa Marawi. 

Aminado ang DOH na may mga mental health problems na naiuulat na sa kanila at posible pa itong dumami dahil sa mga home-based evacuee na hindi pa nakikita ng mga doktor. 

Paliwanag ng DOH, ang mental health problems ay maaaring tumukoy sa depression, anxiety, at trauma. 

Dagdag pa nila, karaniwang dumaranas ng depression, at trauma ang ilang mga bakwit na nakita na ng mga espesyalista.

Ayon pa sa DOH, halos pareho lang ang bigat ng mental health problem sa physical health, at hindi lang agad nakikita ang problema sa mental health.

Ginang, sugatan, balisa matapos maipit sa bakbakan 

Matagal na hinintay ni Saipoding Mangutara ang pagkakataong mayakap muli at makasama ang asawa na si Geraldine na higit 20 araw na na-trap sa war zone sa Marawi.

Hunyo 13 nang magkita na muli sina Saipoding at Geraldine sa Amai Pakpak Hospital, pero tadtad na ang babae ng tama ng shrapnel sa ulo at katawan kaya nanatili sila sa ospital.
 
Pero matapos ang ilang araw, nagdesisyon si Saipoding na umalis na sila sa Amai Pakpak Hospital dahil mas nato-trauma si Geraldine sa mga naririnig na baril at bomba. 

Pinayagan silang umalis, sa kundisyon na dadalhin si Geraldine sa ibang ospital sa Balo-i. Ngunit, hindi siya na-admit sa ospital sa Balo-i.

"’Yung doktor sa ospital ng Balo-i hindi kami tinatanggap dahil puno raw… Pinipilit ko pero hindi raw talaga puwede kasi baka mahawa pa siya, kinausap ko driver, sabi ko iuwi na lang sa bahay ng kapatid ko," ani Saipoding. 

Lumipas ang mga araw na hindi nabibigyan ng tamang atensiyong medikal si Geraldine, at noong isang araw lang siya nadalaw at nakita ulit ng doktor. 

Pero bukod sa lumalang impeksiyon, may iba pang idinadaing ang pamilya niya.

"Iba na sinasabi niya, kung sino-sino binabanggit, minsan nagagalit siya, minsan umiiyak, minsan nakatulala na," kuwento ni Saipoding.

Sa pakikipagtulungan ng ABS-CBN News team, rural health unit ng Balo-i, DOH at Red Cross CDO, nailipat si Geraldine sa isang ospital sa Iligan.

"Ang pinaka-unang dapat i-address is the infected wound kasi 'pag mag-sepsis na siya or septic shock mahirap na agapan… Pero at the same time makita siya ng psychiatrist sa hospital na pagdadalhan sa kanya," ayon kay Dr. Nasheba Arumpac.

Tugon ng DOH sa problema ng mga 'bakwit'

Upang tugunan ang problemang ito ng ilang bakwit, iba't ibang aktibidad na ang ginagawa ng DOH sa mga evacuation center.

May mga Zumba, drawing, at counseling na ginagawa para sa mga matatanda at bata. Importante rin anila na may nakakausap ang mga pasyente.

"’Pag may nakita kaming problema nire-refer namin dun sa doktor or psychiatrist, ‘yung ginagamit natin psychological first aid, psychosocial support so hindi ginagamit ang stress debriefing kasi pang higher level na ‘yun, matagal ‘yun ginagawa," ayon kay Ma. Dolores Mercado ng DOH. 

Dagdag pa ng DOH, mas mabuti na magpunta agad sa mga doktor sa evacuation center o rural health unit kapag may nakitang pagbabago sa behavior ng isang 'bakwit' para mai-refer agad sa espesyalista.

80,000 pamilya, lumikas dahil sa bakbakan

Samantala, mahigit 80,000 pamilya na ang lumikas dahil sa gulo sa Marawi.

Malaking bilang ito mula sa 9,000 na lumikas tatlong araw matapos lusubin ng grupong Maute ang Marawi, ayon kay Department of Social Welfare and Development Undersecretary Hope Hervilla.

Dulot umano ito ng takot kaya nagpupunta ang mga apektadong pamilya sa kanilang mga kaanak o sa mga evacuation center. 

"The military's perspective, it's just responsibility to protect people, but on the other side of it, it's the people who are suffering in this devastation," ani Hervilla.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.