Mga Pinoy hinihikayat lumahok sa sabayang panalangin para sa kapayapaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 04:49 PM | Updated as of Jul 07 2017 04:15 PM

MAYNILA - Hinihikayat ng isang grupo ang mga Pilipino, ano man ang paniniwala, na lumahok sa sabayang panalangin sa Hulyo 7, alas-12:00 ng tanghali para sa kapayapaan sa bansa, partikular na sa Marawi City.

Ayon kay Bing Pimentel, convenor ng PasaLord Prayer Movement, maaaring bumuo ng grupo o magdasal na lang sa kung saan man naroroon ang mga lalahok sa sabayang panalangin.

Isang panalangin ang kinatha ng grupo: ang "Prayer for Peace in the Philippines" na maaaring gamitin ng mga Pinoy ano man ang kanilang relihiyon. May bersiyon itong Filipino at Ingles.

 

Ayon kay Pimentel, ito na ang tamang panahon upang manalangin nang sabay-sabay bilang bansa, lalo't patuloy ang bakbakan ng mga sundalo at terorista sa siyudad ng Marawi. 

Ani Pimentel, asawa ng dating Senate President Aquilino "Nene" Pimentel Jr. at ina ng kasalukuyang Senate President Aquilino "Koko" Pimentel III, naisip niyang manawagan ng sabayang panalangin habang ipinagdarasal ang kung anong puwede niyang gawin upang makatulong sa bansa. 

Agad siyang dumulog sa mga lider ng iba't ibang relihiyon upang hikayatin silang makilahok.

Sumulat din siya sa Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng gabinete upang manalangin para sa bansa tuwing alas-12 ng tanghali. 

Suportado naman ito ng Imam Council of the Philippines. Ayon sa presidente nitong si Ebra Moxir, hihikayatin din niya ang mga Imam, Ustadz at Ulama na lumahok sa sabayang panalanging ito.

Banat pa ni Moxir, ang terorismong dala ng Maute group ay labag sa mga itinuturo ng Islam. Binigyang diin din niya na walang puwang sa Islam ang anumang ideyolohiyang "extremist."

Sa huling tala ng mga awtoridad, umaabot na sa 299 na terorista ang napapatay ng mga sundalo habang 71 na ang napapatay sa panig ng gobyerno.

May 27 na ring sibilyan ang namamatay sa patuloy na digmaan, habang 1,711 na ang nasasagip mula sa mga conflict area.-- ulat mula kina Raphael Bosano at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News