Ilang brand ng sardinas, tumaas ang presyo

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 06:14 PM | Updated as of Jun 29 2017 01:16 AM

Tumaas na ang presyo ng ilang brand ng de-latang sardinas. Naglaro sa P0.50 hanggang P0.75 ang nadagdag sa presyo nito. Paliwanag ng manufacturing group na Canned Sardines Association of the Philippines, napapanahon lang ang taas-presyo dahil taong 2012 pa huling gumalaw ang presyo ng sardinas.

Kaya naman nababahala lalo ang ilang consumer group, dahil hindi pa man naipapatupad ang isinusulong na bagong panuntunan ng Department of Trade and Industry (DTI) tungkol sa pagtatakda ng presyo, tila hindi na makontrol ang pagsipa ng presyo ng de-latang sardinas.

Sa huling pagdinig ng DTI, nilinaw ng kagawaran na kahit ipapasa na sa manufacturers ang pagtatakda ng suggested retail price o SRP, kailangan pa ring magpaalam sa DTI tungkol sa palit-presyo, 30 araw bago ito maging epektibo.

Pero tanong agad ng grupong ‘Laban Konsyumer’, sino pa ang aasahan ng mga mamimili para matiyak na hindi lalabis ang presyo ng mga bilihin kung hindi na DTI ang magtatakda ng SRP? Hirit naman ng grupong United Filipino Consumers and Commuters, dapat magawa pa rin ng DTI ang trabaho nito na protektahan ang interes ng mga mamimili.

Tiniyak naman ng DTI na walang dapat ikatakot ang consumers kahit manufacturers na ang magdidikta ng SRP dahil pag-aaralan pa rin naman ito ng kagawaran bago maipatupad.

Ayon din sa Canned Sardines Association of the Philippines, hindi kakayanin ng manufacturers na itaas nang sobra ang presyo ng sardinas dahil malamang walang bibili nito. Dahil marami ring manufacturers na nagkokompetensiya sa merkado, pababaan pa rin ng presyo ng bilihin ang umiiral.

Iyon nga lang, sadyang di maiiwasan ang taas presyo sa de-latang sardinas sakaling maisabatas na ang dagdag buwis o excise tax sa petrolyo. Kapag nagkataon, tataas ng piso ang sardinas sa unang taon; P0.50 sa ikalawang taon; at P0.25 sa huling taon o kabuuang P1.75 na taas-presyo sa loob ng tatlong taon.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.