Gobyerno, bumubuwelo para sa pagbangon ng Marawi

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 08:08 PM | Updated as of Jun 29 2017 01:49 AM

* Tulong ng gobyerno, 'ipapautang' sa mga nawalan 
* P20 bilyon inilaan ng administrasyong Duterte para sa pagbangon
* P15 milyon donasyon ng Tsina
* Libo-libong brief ipinadala sa mga sundalo 

Sa pagsampa sa ika-37 araw ng sigalot sa Marawi, narekober ang labi ng 17 sibilyang nasawi sa war zone. Halos buto na lang ang natira sa ilang bangkay, habang wala nang ulo ang iba pa. Nakuha rin ang bangkay ng ilang miyembro ng Maute group.

Napuruhan din ang maraming istraktura sa lungsod. Durog na ang maraming gusali sa Islamic Center habang may rumoronda pa rin umanong mga terorista. Hindi na rin mabilang ang dami ng mga bahay na nasunog at nawasak dahil sa bakbakan.

Nakipagpulong na si Undersecretary Catalino Cuy, OIC ng Department of Interior and Local Government (DILG), sa mga opisyal ng lokal ng pamahalaan. Aniya, hindi na magtatagal at matutuldukan na rin ang bakbakan. Wala siyang maibigay na tiyak na petsa pero sa tantiya niya, ilang araw na lang ang bibilangin at tuluyan nang mababawi ang Marawi.

Kaya nga nakatutok na sila ngayon sa paglalatag ng mga plano para sa matagalang rehabilitasyon ng lungsod.

Ilang residente, di nagustuhan na idadaan sa pautang ang tulong sa rehabilitasyon

Idadaan sa pautang ng gobyerno ang tulong para sa mga residenteng nawalan ng bahay sa Marawi, ayon kay Cuy.

Hindi iyon nagustuhan ng ilang residente. Tanong ng isa, nawalan na nga siya ng bahay dahil sa mga pangyayaring di niya ginusto, bakit pagbabayarin pa siya ngayon? May isa pang residenteng bumanat na bakit siya sisingilin para sa naging epekto ng walang puknat na pambobomba? Sana rin daw, kung tutulungan talaga sila, lubos-lubusin na.

Ani Cuy, wala pang natatalakay tungkol sa libreng tulong pinansiyal.

Tiniyak naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay ayuda ang gobyerno para sa muling pagbangon ng Marawi.

Humarap si Duterte kahapon, Hunyo 27, sa Muslim leaders at mga opisyal ng gobyerno para sa isang hapunang gumugunita sa Eid al-Fitr. Anang Pangulo, naglaan ng P20 bilyong pondo ang pamahalaan para sa rehabilitasyon ng lungsod at kakalap pa ng dagdag tulong. Bukod pa iyan sa P500 milyong inilabas na ng gobyerno para sa pamamahagi ng relief goods sa mga apektadong residente.

Handa rin siyang isantabi ang ilang priority project para unahin ang pagbangon ng Marawi.

“One thing I promise you, I will see to it that Marawi will rise. Hanap ako ng pera,” ani Duterte. “We will rebuild Marawi to what it was before or better this time.” 

Isang linggong wala sa paningin ng publiko 

Ang pagdalo ng pangulo sa Eid'l Fitr dinner ang unang beses na nakitang muli sa publiko ang Pangulo matapos ang halos isang linggo. Hunyo 20 nang huli siyang nakita sa publiko habang dumadalaw sa mga sundalo at ‘bakwit’ sa Iligan. 

Paliwanag ng Palasyo, bagama't hindi nakikita, nagtatrabaho ang Pangulo. Muli ring iginiit ng Palasyo na walang isyu sa kalusugan si Duterte.

Tulong mula China

Nitong Hunyo 27 din, iniabot ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua ang P15 milyong tseke sa Pangulo bilang tulong ng Tsina sa pagbangon ng Marawi. 

Ayon sa Palasyo, ehemplo ang nasabing donasyon ng gumagandang pagsasama ng dalawang bansang kapwa gusto ng kapayapaan sa rehiyon.

Dagdag pondo ang donasyon para sa Department of Health at Department of Social Welfare and Development na nangunguna sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga ‘bakwit’.

Brief at medyas, handog sa mga sundalo

Naiiba naman ang tulong na ipinaabot ng mga negosyanteng Filipino-Chinese sa Cebu para sa mga sundalo.

Umabot sa 6,000 piraso ng underwear o brief para sa mga sundalo ang kanilang ipinadala sa mga sundalo mula Cebu na pinadala sa Marawi para tumulong sa clearing operations. 

Namahagi rin ng 4,000 brief at medyas si Kabayan party-list Rep. Harry Roque sa mga sundalo. May pa-burger din si congressman para sa mga tagapagtanggol ng bayan.

Sa Iligan City, sinimulan ng abogadong si Atty. AG Alonto ang fundraising campaign para sa mga kababayang ‘bakwit’. 

Nagbebenta ang grupo niya ng ‘We are Marawi’ shirts. Ang malilikom na pondo mula sa pinagbentahan ay buong mapupunta sa mga apektadong sibilyan. Umaasa ang grupo na maraming mahihikayat na tumulong sa mga Maranao na makapagsimulang muli matapos ang bangungot na dala ng kaguluhan.

Para sa mga gustong tumulong sa ‘We Are Marawi’:

    [email protected]
    09175221983
    09296196368
    09178677914
    09153112976

-- Ulat nina Ron Gagalac, Mike Navallo, at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.