Dahil sa plato, lalaki pinatay ng katrabaho

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 08:07 AM

MANILA - Patay ang isang construction worker matapos saksakin ng kanyang katrabaho makaraan silang mag-away dahil sa pinggan sa San Antonio, Makati Miyerkoles.

Dakong ala-1 ng madaling araw sinita ng suspek ang 23-anyos na biktimang si Kevin Lampitok dahil nakita niya itong kumakain gamit ang kanyang pinggan nang walang paalam.

Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa at nagkahamunan pa ngunit naawat sila ng guwardiya ng ginagawang gusali.

Pero makalipas ang ilang oras, natagpuan ng iba pang construction worker si Lampitok na nakahandusay sa sahig, may saksak sa katawan at wala nang buhay.

Nakatakas naman ang suspek na tinangkang harangan ng guwardiya.

"Biglang tumakbo palabas ng gate. Sinubukang harangan ng guwardiya kaso walang baril at winasiwas yung kutsilyo kaya nakatakas din," ani Michael Bilason, bantay bayan ng Barangay San Antonio.

Hindi muna pinangalanan ng pulisya ang suspek dahil nagsasagawa na sila ng operasyon upang maaresto ito.

Hinala naman ng ilang katrabaho na nakainom ang biktima nang mapatay.

"Sahod po namin kanina siguro happy happy kaya uminom," ani Teddy Rebong, construction worker.

Muling nagpaalala ang mga awtoridad laban sa pag-inom sa loob ng construction site.

"Pag may nagdadala ng alak sa loob ng construction pinipigil namin, ganoon din dapat gawin ng guwardiya on duty. Dapat hindi nila pinapayagan dahil doon nagsisimula ang away," sabi ni Bilason.

-- May mga ulat nina Ron Lopez at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.