Amnesty sa undocumented workers sa Saudi, hanggang bukas na lang

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 07:08 PM | Updated as of Jun 29 2017 01:19 AM

Nanawagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga undocumented Filipino workers na humabol sa huling araw ng amnesty program ng Saudi Arabia bukas, Hunyo 29.

Deadline na ng 90 araw na amnesty period na siguradong masusundan ng matinding crackdown o pag-aresto sa mga undocumented foreign workers.

Maraming undocumented Pinoy ang nagkaroon ng pag-asang makauwi nang i-anunsiyo ng gobyerno ng Saudi Arabia ang 90-day amnesty period noong Marso.

Sa pinakahuling tala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), mahigit 5,000 Pinoy ang nakabalik ng Pilipinas nang walang kaso at penalty dahil sa amnesty.

Sa kabila nito, mas marami pa ring undocumented Pinoy ang hindi sumali sa amnesty at piniling hindi umuwi. 

Sa tantiya ng grupong Migrante, nasa 20,000 lahat ang mga undocumented Pinoy sa Saudi Arabia kaya ibig sabihin, marami pa rin sa kanila ang naniniwalang hindi sapat ang binibigay na tulong ng pamahalaan.

Bukod sa mahina umano ang legal assistance para mabawi ang mga suweldong hindi ibinigay ng mga employer, pahirapan umano ang pagkuha ng livelihood package na nagkakahalaga ng P20,000.

Kinuwestiyon din ng Migrante kung bakit ang mga naunang repatriated overseas Filipino workers lang ang nabigyan ng financial assistance na P28,000.

Pero ayon sa OWWA, para sa mga OFW na natanggal noon sa trabaho bunsod ng pagbagsak ng presyo ng langis ang P28,000 na financial assistance.

Nasa isang buwan din umano ang pag-apruba ng livelihood assistance para masigurong magagamit talaga ito sa negosyo.

Ayon naman sa DOLE, hindi maaaring puwersahin na umuwi ang mga undocumented Pinoy.

Siniguro ng DOLE na tutulungan pa rin ang mga Pinoy na tatamaan ng crackdown sa mga undocumented foreign workers pagkatapos ng amnesty period.
 
Nasa 2,000 pang Pinoy na kumuha ng amnesty at nabigyan na ng exit visa ang naghihintay pa ng plane ticket sa Saudi ngayon.

Pinangangambahang hindi sila paalisin kung hindi makakakuha ng ticket bukas pero inaalam ngayon ng DOLE kung totoo ang balitang nagbigay ang gobyerno ng Saudi 60-day grace period para magkaroon sila ng panahon na makapag-book ng mga flight pauwi.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.