Pamilyang nagkahiwalay sa bakbakan, nabuo muli

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 07:11 PM | Updated as of Jun 29 2017 12:55 AM

Muling nakapiling ng mag-asawang Gutoc ang kanilang dalawang anak na nawalay sa kanila nang sumiklab ang bakbakan sa Marawi higit isang buwan na ang nakararaan. 

Unang humingi ng tulong ang mag-asawa sa ABS-CBN News nitong Hunyo 24, Sabado, para muling makasama ang mga anak. 

Kuwento ng amang si Macapagal, dahil nagkagulo ang lahat sa paglikas noong sumiklab ang putukan, nahiwalay sa kanilang mag-asawa ang dalawang anak. 

Nalaman nilang ligtas ang anak na si Johara nang makausap nila siya sa telepono. Napasama pala siya sa iba nilang kaanak na umalis din sa Marawi.

Pero hindi nila agad natunton ang 12 anyos na anak na si Alinor. Kaya ang ginawa ng mag-asawang Gutoc, araw-araw nilang iniisa-isa ang mga evacuation center sa iba’t ibang bayan sa Lanao del Sur at Norte para ipagtanong sa mga kapwa ‘bakwit’ kung nakita nila si Alinor. Nangungutang sila ng pera para lang makabiyahe dahil tulad ng ibang bakwit, walang pera at ang suot na damit lang ang kanilang nadala. 

Nitong Linggo, nalaman nilang nakita na si Alinor sa Marantao, isang bayang katabi ng Marawo. Suwerteng napadpad din doon si Johara kaya nagkita ang magkapatid. 

Pero hindi sila makauwi sa mga magulang dahil mahigpit ang checkpoint. Kailangan ng ‘pass’ para makapasok at makalabas sa Marawi, na tanging daan para makapuntang Iligan kung nasaan ang mga magulang. 

Sa tulong ng ABS-CBN News at Provincial Crisis Management Committee, nasundo ang magkapatid na Johara at Alinor sa Marantao. Inayos din ang ‘pass’ para makadaan sila sa checkpoint.

Napahagulgol na lang sa tuwa ang mag-asawa nang makita na sa wakas ang mga anak. Walang hanggang pasasalamat ang ipinaabot nila sa lahat ng mga tumulong para muli silang mabuong pamilya.

Kuwento ni Alinor, napasama siya sa mga kapitbahay noong araw na magsimula ang giyera. Hindi siya nakaalis agad at nanatili sa loob ng war zone sa loob ng dalawang araw. 

Bumiyahe na ang mag-anak papuntang Cagayan de Oro kung saan muna sila titira habang di pa rin natatapos ang bakbakan sa Marawi. Batid nilang marami pang ibang pamilyang umaasang mabubuo muli sila. Kaya naman tulad ng maraming Maranao, kapayapaan sa Marawi pa rin ang inaasam ng pamilya Gutoc.


-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.