Food security, delikado dahil sa paparetirong mga magsasaka

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2017 09:39 PM | Updated as of Jun 28 2017 03:38 AM

Pinapaigting na ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang training at livelihood programs sa sektor ng agrikultura para ma-engganyo ang mga kabataan na magtanim at magsaka.

Nababahala na kasi ang kagawaran dahil tila wala nang mga bagong magbubukid na aagapay sana sa mga tumatandang magsasaka.

Isa na riyan ang 63 anyos na magsasakang si Adriano Raymundo. Tanging pamana niya sana sa mga anak ang tatlong ektaryang palayang kaniyang pinagyaman at bumuhay sa pamilya. Pero wala sa mga anak niya ang gustong magmana nito. Mas gusto rin ng isa niyang anak na magtrabaho sa isang kumpanya kaysa magsaka. Kaya plano ng matanda na ibenta na lang sa developer ng subdivision ang lupang halos buong buhay niyang sinaka. 

Sa datos na hawak ng DA, lumalabas na edad 54 pataas ang karamihan ng mga Pilipinong magsasaka. Ayon sa kagawaran, sinong magtitiyak ng ani para mapunan ang hapag-kainan ng mga Pilipino kung walang papalit sa mga retiradong magsasaka?

Delikado raw kapag nagkulang ang mga magsasaka lalo pa't inaasahang lolobo ang populasyon ng Pilipinas sa mga susunod na taon kaya tataas din ang demand sa pagkain.

Kaya naman pinalalakas na ng DA ang pagsasanay sa sektor ng agrikultura gaya sa aspeto ng pag-aalaga at pagahahanda sa lupa, pagsasaka, pag-ani, paggawa ng mga irigasyon at pagtatanim pati ng mga prutas.

Sasabayan pa ito ng pamimigay ng modernong gamit sa pagsasaka at tulong-pinansiyal sa pagsisimula ng agri-business. Layon nitong lalong mahikayat ang kabataan na pasukin ang sektor ng agrikultura dahil may magandang kinabukasan din itong dala.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.