SAPUL SA CCTV: Salpukan ng 2 motorsiklo sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2017 09:41 AM

MAYNILA - Sugatan ang tatlong motorista sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa kahabaan ng A. Arnaiz Avenue sa Pasay City, pasado hatinggabi ng Lunes.

Nakunan pa ng CCTV ang insidente kung saan makikita ang isang lalaking sakay ng motorsiklo galing FB Harrison na bumangga sa kasalubong na motor na may magkaangkas na sakay.

Ayon sa mga nakakita, parehong mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo at puro walang helmet ang mga sakay nito. Ang isang lalaki, ay nakita pang nag-counterflow sa likod ng isang van.

Agad namang isinugod sa ospital ang mga naaksidenteng motorista na nagtamo ng mga sugat sa mukha at katawan.