Negosyante patay nang barilin sa harap ng kanyang tindahan

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2017 09:48 AM

Nagsasara na ng tindahan ang 40 anyos na biktima nang siya ay barilin ng hindi pa nakikilalang salarin. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA - Patay ang may-ari ng isang furniture shop matapos siyang pagbabarilin sa labas ng kanyang tindahan sa Arnaiz Street, Pasay City bandang alas-9:00 Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Michael Ian Versoza, 40, na naisugod pa sa pinakamalapit na ospital pero idineklara ding patay matapos ang may isang oras.

Nakunan ng CCTV ang krimen kung saan makikita si Versoza na kinakandado na ang tindahan matapos pauwiin ang kanyang mga katiwala.

Makikita ring naglalakad at lumampas pa sa tindahan ang hindi pa nakikilalang salarin pero bumalik din para barilin si Versoza. Pagbagsak ng biktima, pinutukan pa ito ng salarin bago tumakas.

Blangko pa ang mga awtoridad sa motibo ng salarin gayung tahimik at mabait na tao anila si Versoza pero tinitingnan na nila kung may nakaaway ang biktima bago ang insidente.

Reklamo naman ni Rafael, kapatid ni Versoza, kinailangan pa nilang pilitin ang mga rumespondeng awtoridad na madala sa ospital ang biktima kahit wala pang kurdon ang crime scene ng kanilang datnan.

"Pilit ko pang kunin, isasakay ko na, itong mga pulis dapat mas una ang buhay ng tao. Maaari pang mabuhay kapatid ko. 'Yung mga gustong lumapit, bawal. Hinatak ng pulis. Ano uunahin imbestigasyon o buhay?" aniya.

Ayon naman sa imbestigador, maaari namang dalahin ang biktima ng krimen sa ospital kung makitaan pa ito ng mga senyales na siya ay buhay pa.