Mga manghahabi ng Marawi, gusto nang 'makabangon'

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2017 08:28 PM | Updated as of Jun 26 2017 11:02 PM

Nagbigay ng sewing machine at ilang gamit para makapagsimulang kumita ang mga taga-Marawi sa paunang tulong ng gobyerno at mga partner mula sa pribadong sektor. 

Malaking problema ng mga bakwit kung paano maibabalik ang nawala nilang kabuhayan dahil sa kaguluhan sa Marawi. 

Apektado ngayon ang grupo ng mga babaeng naghahabi, na isa sa mga ipinagmamalaking industriya ng siyudad. 

Sa isang bahay sa Iligan nananatili ang nasa 20 pamilyang bakwit mula Marawi. Karamihan sa kanila, mga mananahi sa Brgy. Dayawan o kilala bilang Dayawan Women Loomweaver Association. 
 
Ang paghahabi ng mga malong at pagtatahi ng Muslim religious attires ang pangunahing ikinabubuhay nila sa Marawi. 

Nalulungkot si Saadia Abdulrahman, isang 'bakwit', dahil sa naging sitwasyon nila ngayon na umaasa lang sa relief goods, at walang perang hawak para sa iba pang pangangailangan ng pamilya. 

"Kung andito wala kaming gagawin, pwedeng magkasakit kami kasi hindi namin alam kung kailan kami makakauwi ng Marawi," aniya.

Gusto nang kumita uli

Sa isang evacuation center sa Balo-i, problema rin ng mga 'bakwit' ang pagkakakitaan. 

Ang pamilya ni Jobaira Acmad, nakatira sa isang kuwarto sa Balo-i evacuation center kasama ang iba pang 'bakwit'. 

Pagtitinda ng isda ang ikinabubuhay nila sa Marawi, kaya nais sana nilang ito muli ang gawing hanapbuhay sa Balo-i kung mabibigyan ng kapital. 

"Ang gusto lang sana namin makapagsimula ulit. Magkaroon ng hanapbuhay para naman may pagkakitaan kami kasi karamihan sa amin naggagatas ang bata tapos ni wala kaming pambili," ani Acmad. 

Ayon naman kay Vice President Leni Robredo, ipararating niya ang mga isyu ng mga 'bakwit' sa iba pang departamento ng gobyerno para matulungan silang kumita habang hindi pa nakakauwi sa Marawi. 

Bukod pa ito sa nais ding ibigay ng gobyerno na mga tsinelas, school supplies at water filtration. 

Sang-ayon naman si Robredo sa hiling ng ilang 'bakwit' na i-concentrate na ang lockdown at pauwiin na ang mga ito sa mga lugar na idedeklarang ligtas ng mga sundalo para makapagsimula nang bumangon. 

Malungkot na Eid'l Fitr 

Kapayapaan ang dasal ng mga mananampalataya sa relihiyong Islam sa buong bansa sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr o ang pagtatapos ng buwan ng Ramadan.

Maagang nagtipon sa Iligan City National City School of Fisheries ang mga lumikas sa Marawi para ipagdiwang ang pagtatapos ng isang buwang pag-aayuno. 

Pero imbes na magsaya, marami ang napaiyak sa nangyari sa kanilang lungsod.

Naiwan ni Aling Fatima Lumabao sa Marawi ang kayang mga anak at isang buwan na siyang walang balita sa kanila.

"Ngayon Eid al-Fitr po ang naramdaman namin masakit. Malungkot. Isang idlap lang nawala mga pamilya naming parang masakit. Parang hindi naming matanggap,” ani Lumabao.

Ito rin ang hinaing ni Kairia Saidon, residente ng Marawi na nawalay sa pamilya.

"Hindi namin halos maisip, dapat ngayon kasama mga anak namin, sa ngayon watak na watak kami dahil sa nangyari sa Marawi City," aniya.

'Hindi katapusan ng mundo' 

Napaiyak din ang imam habang nagse-sermon.

"Ang mensahe ko sa kanila sila'y magtiis, gawin nilang positive, hindi ito nangangahulugang tapos na ang mundo," ani Imam Alim Ansari Abdulmalik.

Panalangin nilang makabangon ang lungsod mula sa pinsala ng bakbakan.

Sa kabila ng lungkot na nararamdaman ng mga Muslim, naibsan umano kahit papaano ang sakit na nararamdaman ng mga lumikas nang bigyan sila ng rosas ng mga Kristiyanong kasama nila sa evacuation center. May mga nagbigay din ng isda at gulay sa mga evacuees. 

Pero kahit tapos na ang Ramadan, sarado pa rin ang ilang tindahan at palengke roon.

Mas mahigpit naman ang seguridad sa checkpoint dahil hindi nawawala ang usap-usapang sasalakayin ng Maute ang lungsod pagkatapos ng Ramadan.

'Car pass inaabuso' 

Ani Jose Pantoja ng city information office, naaabuso ang ibinigay nilang car pass at may mga nagpa-photocopy ng mga ito kaya gagawa ng panibagong car pass ang lokal na pamahalaan.

Sa Cotabato City, nag-ingay ang ilang mamamayan sa pagtatapos ng Ramadan pero hindi gaya noong mga nakaraang taon, simple lang ang pagsalubong sa Eid'l Fitr. 

Hinigpitan din ang seguridad sa lungsod kaya hindi isinagawa ang congregational prayer sa office of the regional governor grounds.

Hiling ng mananampalatayang Muslim na si Hamsini Bibing, "Sana maging mapayapa na ang Mindanao. ‘Yung totoong paniniwala hindi marunong gumawa ng masama o masahol gaya ng giyera."

Ayon sa Cotabato City PNP, walang na-monitor na nagpaputok ng baril sa pagsalubong ng Eid'l Fitr.

Nagtipun-tipon din ang mga Muslim sa Cebu City at panalangin din nila na matapos na ang gulo sa Marawi.

Ipinagdasal din ng mga Muslim sa Iloilo City ang kaligtasan ng mga sibilyan sa Marawi City.

--Ulat nina Arianne Apatan at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.