Hapilon, posibleng nakapuslit na palabas ng Marawi: AFP

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2017 06:13 PM | Updated as of Jun 26 2017 10:03 PM

  • Mamamayan, sinabihang maging mapagmatyag sa paligid
  • Mga Maute, kani-kaniya nang takas
  • Maraming ulat tungkol sa pamumugot ng bihag: AFP

May mga indikasyong nakatakas na sa labanan sa Marawi si Isnilon Hapilon, ang itinuturong lider ng ISIS sa Timog Silangang Asya.

Base sa hawak na impormasyon ng militar ngayon, noong isang linggo pa nakatakas papunta sa isang kalapit na bayan si Hapilon na kasamang nagplano ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute sa pagkubkob ng Marawi.

Ayon sa tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi na si Lt. Col. Joar Herrera, tinamaan ang grupo ni Hapilon nang magsagawa ng air strike ang militar noong isang linggo. Pero paliwanag ni Herrera, hindi lumalaban nang harapan si Hapilon. 

Sinasabing maraming taktika rin umano si Hapilon para makatakas kabilang na ang paghalo sa mga sibilyan at magkunwaring ‘bakwit’ na tumatakas sa karahasan.

Panawagan sa sibilyan, maging mapagmatyag

Dagdag pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), humihina na ang puwersa ng Maute. Kaniya-kaniyang diskarte na umano sa pagtakas ang ilang miyembro nito, at may mga pagkakataon pang sila-sila na raw mismo ang nagpapatayan. 

Ikinalungkot ng lokal na pamahalaan ang balitang nakatakas na si Hapilon. Payo ngayon ng mga lokal na opisyal sa mga sibilyang nasa labas ng Marawi, maging mapagmatyag sa kanilang paligid.

Nasa 100 pa umano ang bihag ng Maute, kabilang si Fr. Chito Suganob na huling nakitang buhay umano kahapon ng ilang sibilyang nasagip na mula sa gulo.

Pero ayon din sa AFP, may indikasyong pinupugutan ng mga terorista ang iba nilang bihag. 

"Naging napakarami po ng ganitong impormasyon dahil lahat po ng kanilang nahuhuli at nakikita nilang pawang mga Kristiyano ay ine-execute nila," ani Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, nang makapanayam sa DZMM. "Malaki po ang pruweba na hindi lang noong simula [ng bakbakan] nila ginawa ito kundi patuloy pa rin hanggang ngayon."

Naka-upload din umano sa website ng mga tagasuporta ng mga terorista ang mga video ng pagpatay sa mga bihag. Nagkuwento rin ang ilang nakaligtas na hostage tungkol sa pamumugot sa ibang bihag. 

Sanggol, ligtas na 'dumaan' sa peace corridor

Matapos naman ang walong oras na ‘ceasefire’ kasabay ng Eid al-Fitr kahapon, Hunyo 25, lima pang sibilyan, kabilang na ang isang sanggol ang nasagip sa pamamagitan ng itinakdang ‘peace corridor’.

Nakuha rin ang bangkay ng isang senior citizen na na-stroke bago pa magsimula ang gulo pero hindi na nakalabas at hinihinalang namatay sa matinding gutom.

Nakakuha din ang militar ng dalawang bangkay sa loob ng war zone na hitsura umanong taga-Gitnang Silangan.

Nagpapatuloy pa rin ang bakbakan pero hindi na kasingtindi tulad noong mga nakalipas na araw. Ginagawa raw ng hukbong sandatahan ang lahat para matuldukan na ang sigalot sa Marawi.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.