Estudyante, tinanong ng oras, ninakawan ng phone

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2017 05:30 PM | Updated as of Jun 26 2017 10:37 PM

Nakunan sa CCTV ang modus ng mga kawatan sa magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa Maynila. 

Sa Abad Santos sa Maynila, modus ng isang holdaper na magtanong ng oras sa kaniyang bibiktimahin.

Ikinuwento ng 18 anyos na estudyanteng si Mark Renz Diaz sa kaniyang Facebook post kung paano bigla siya umanong tinanong ng isang lalaking nakatambay sa kalsada kung ‘anong oras na?’.

Dahil walang relo, inilabas ni Diaz ang cellphone niya para masabi ang oras. Sunod siyang tinanong ng lalaki kung saan siya papunta. Bibili raw noon ng pad paper si Diaz at binanggit niya naman iyon sa lalaki.

Bigla naman daw sinabi sa kaniya ng lalaki na may tindahan siya ng school supplies na puwedeng pagbilhan ng papel. Sinamahan siya ng lalaki sa itinuturong tindahan. Nakunan pa sa CCTV si Diaz at ang lalaki habang papasok sa eskinita.

Hindi na nakunan ng CCTV, pero ayon kay Diaz, dinala siya ng lalaki sa dormitory, binugbog, sabay tinangay ang kaniyang cellphone.

Sunod na nakita sa CCTV na hinahabol na ng biktima ang kawatan.

Nahuli ng mga pulis kalaunan ang magnanakaw na tinukoy na si Aldrin Dayao. Ayon sa suspek, dala lang ng kalasingan kaya niya nagawang magnakaw.

Inihahanda na ang kaso laban kay Dayao.

Nag-text, nahablutan ng phone

Sa kalye ng P. Noval malapit sa España, Maynila, nakunan sa CCTV ang isang estudyante habang naglalakad kasama ang iba pang kaibigan nitong Biyernes, Hunyo 23.

Nagte-text noon ang estudyante nang biglang hablutin ang kaniyang cellphone ng kawatang magkaangkas sa motorsiklo. Sinubukan pa ng biktima na habulin ang riding-in-tandem pero mabilis silang nakaeskapo.

Ayon sa kapitana ng barangay, madalas nang may naire-report sa kanilang insidente ng snatching ng gadgets ng mga estudyante sa University Belt. Payo niya sa mga estudyante, iwasan na lang na mag-text habang naglalakad sa kalye lalo na kapag gabi.

-- Ulat nina Zyann Ambrosio at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.