Buntis, nabundol ng kotse; pinaasang tutulungan pero tinakasan

ABS-CBN News

Posted at Jun 26 2017 08:58 PM | Updated as of Jun 26 2017 10:14 PM

Nakunan sa CCTV ang pagkakabundol sa isang buntis sa Makati nitong Hunyo 15.

Patawid noon sa kalsada ang pitong buwang buntis na si Rosie Luna nang mabundol ng kotse. Nang tumilapon sa kalsada ang biktima, nabundol pa siya ulit ng parehong kotse.

Kuwento ni Luna, susunduin niya dapat sa eskuwelahan ang anak nang mangyari ang insidente. Tinulungan siya ng isang tanod at iba pang naroon sa lugar para makatayo. Bumaba naman daw ang driver ng nakabunggong kotse. Aniya, sinabihan ng mga naroon ang driver na dalhin ang buntis sa ospital. Pumayag pa raw noon ang driver.

Pinasakay ng driver si Luna sa kotse. Habang nasa loob, ilang beses nakiusap si Luna na pahiramin siya ng cellphone para matawagan ang mga kaanak niya. Pero hindi siya pinahiram ng driver at sa halip ay inalok daw siyang sasamahan na lang na sunduin ang anak.

Pero nang maihatid si Luna sa eskuwelahan, tumakas na ang driver nang walang iniiwang anumang pagkakakilanlan sa biktima. Natukoy lang ang conduction sticker ng kotse na VR 3952, base na rin sa kuha ng CCTV. 

Nakapagpa-ultrasound na si Rosie at ayon sa resulta, maayos naman ang lagay ng bata sa sinapupunan niya. Pero dahil kapos sa pera, hindi pa sumasailalim sa general check-up ang biktima para maipatingin sana ang mga iniinda niyang sakit sa katawan. 

Humihingi ng tulong si Luna sa mga awtoridad na agad mahanap ang may-ari ng nakabundol na kotse at matukoy kung sino ang driver para matanggalan ng lisensiya. 

Handa rin naman daw si Luna na makipag-ayos at magpatawad, basta harapin lang ng driver ang pananagutan sa insidente. -- Ulat ni Dominic Almelor ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.