Pedicab driver, sugatan matapos bungguin ng isang bus

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2017 11:29 PM

Sugatan ang isang pedicab driver matapos salpukin ang sasakyan nito ng isang pampasaherong bus sa Paranaque City nitong Sabado.

Agad isinugod sa ospital ang hindi pa nakikilalang biktima na natutulog lamang umano sa kanyang pedicab na katabi ng isang poste sa isang gasolinahan sa Airport Road.

Ayon kay Ruben Adriatico, driver ng bus, nawalan umano ng preno ang minamaneho niyang sasakyan habang binabaybay ang Roxas Boulevard patungong Buendia.

Kaya't nagdesisyon umano siya na ibangga na lamang sa poste ang bus ngunit hindi raw niya napansin na mayroon palang nakaparadang pedicab.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nayupi ang pedicab at magkatabi na ang dalawang gulong nito, habang basag naman ang windshield at tanggal ang pinto ng bus.

Walang nasaktan sa mga pasahero ng bus.

Patuloy naman ang daloy ng trapiko sa Roxas Boulevard dahil isang lane lamang ang nasakop ng bus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.