Iligal na pangingisda, talamak umano sa Palawan

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2017 10:14 AM

Mga mangingisda, inirereklamo ang mapanirang gawain umano ng ibang pumapalaot

Sama-samang isinumbong ng ilang maliliit na mangingisda mula sa siyam na coastal barangay sa bayan ng Aborlan ang umano'y talamak na iligal na pangingisda sa karagatang sakop ng kanilang munisipyo.

"Nakakaperwisyo po sa amin sa Barangay Tigman, may dala silang compressor,” sabi ni Yolando Abog.

Sa iligal na paraan ng pangingisda, sadya umanong sinisira ang bahura para lumabas ang mga isda at mapunta sa lambat nila.

Ramdam na raw ngayon ng mga maliliit na mangingisda ang epekto ng mga mapanirang gawain.

"Malaking kasiraan, pati pangitlugan ng pusit [ay nasisira]... wala na kaming mahuli," dagdag ni Abog.

Kinukuwestiyon nila ngayon kung para saan pa't idineklarang isang marine protected area ang municipal waters ng Aborlan.

"Nagtataka kami. kung marine protected area, bakit namamayagpag ang iligal?," ayon kay Robert Estrope, chairperson ng Barangay Fisheries and Aquatic Resource Management.

Maging ang panghuhuli at pagbebenta ng pawikan, namamayagpag din umano. Palaisipan naman kung paanong kahit may bantay-dagat, tila madali lang na naibabiyahe ng mga iligal na mangingisda ang mga pawikan patungo sa bayan ng Balabac.

Makailang beses na rin daw silang naghain ng pormal na reklamo ukol dito, pero tila wala namang nangyayari.

"Four times na kaming sumalang sa session, walang aksyon," sabi ni Estrope.

Sa kabila ng mga reklamo, depensa ng mga bantay-dagat na ginagawa naman nila ang kanilang trabaho.

Pero giit ng maliliit na mangingisda, wala naman silang magagarang cellphone o gadget para makuhanan ng litrato o video ang mga iligal na gawain.

Panawagan nila na gawin sana ng bantay-dagat ang kanilang tungkulin na hulihin ang mga iligal at mahigpit na ipatupad ang batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.