80 sumuko sa 'Tokhang,' tinuruang magtanim ng gulay

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2017 06:53 PM

Nagtapos sa pagsasanay sa pagtatanim ng gulay ang 80 drug dependents na sumuko sa 'Oplan Tokhang' sa Las Piñas, Sabado.

Tinuruan ang mga sumukong drug dependents na magtanim ng okra, talong, patola at sili sa loob ng 12 linggo. Maaari rin nilang iuwi sa kani-kanilang mga tahanan ang ani mula dito.

Itinuro rin sa mga kalahok ang kahalagahan ng environment conservation at protection sa pamamagitan ng coastal clean-up.

Ayon kay alyas ‘Ronnie’, isa sa mga sumailalim sa programa, malaking tulong sa mga tulad niya ang pagsasanay na ito.

Pero hiling niya, sana ay mabigyan sila ng hanapbuhay upang maituwid ang kanilang landas na bumaluktot dahil sa ipinagbabawal na gamot.

Siniguro rin naman ni Sen. Cynthia Villar na hahanapan din sila ng pagkakakitaan upang hindi na bumalik sa dating bisyo.

“Kakausapin natin ang mga homeowner associations para magtayo ng mga gardens at do’n sila pagtanimin,” ayon kay Villar.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.