2 bata patay, ina malubha matapos mabundol ng motorsiklo sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2017 07:31 PM

GENERAL SANTOS CITY - Patay ang dalawang batang babae habang sugatan naman ang kanilang ina matapos mabundol ng motorsiklo sa National Highway, Purok San Francisco, Huwebes ng gabi.

Ayon kay Rogelio Bulosan na nakasaksi umano sa aksidente, tumawid ang 2-taong gulang na anak ni Reyna Lahera, 33, kaya hinabol niya ito bitbit ang 2-buwang sanggol at ang ilang kilo ng bigas.

Sakto naman umano na may mabilis na motorsiklong paparating na minamaneho ni Elmar Fernandez at nahagip ang mag-iina.

Isinugod pa sa Dr. Jorge P. Royeca Hospital ang mag-iina pero tuluyan na ring binawian ng buhay ang dalawang bata, habang malubha naman ang tinamong head injury ng kanilang ina.

Sugatan rin ang driver ng motorsiklo at ang sakay nito na si Joymae Tandoy.

Sa imbestigasyon naman ng pulisya, patungo sa direksyon ng Barangay Buayan ang motorsiklo pero bigla raw itong nag-overtake sa isa pang motorsiklo na huminto para magbigay-daan sa tumatawid na mag-iina.

Dahil dito, nabundol ang dalawang taong gulang na batang babae pati na ang ina na nabitawan ang sanggol.

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang ama ng mga bata pero nagsampa na ito ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide sa driver na wala rin palang rehistro.