Empleyado ng city hall at dating pulis, tiklo sa droga sa CDO

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 04:49 AM

CAGAYAN DE ORO CITY - Arestado ang isang empleyado ng Cagayan De Oro city hall at isang dating pulis matapos sila maaktuhan na gumagamit ng iligal na droga sa loob ng isang boarding house sa Burgos-Macahambus Streets, Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na si Janus Leyson, 34, na isang liaison officer ng City Hall at si Rico Gallardo, 33, na dating pulis.

Nakuha sa kanilang ang tatlong pakete ng pinaniniwalaang shabu at drug paraphernalia tulad ng foil, gunting, at lighter.

“Nahuli namin ang dalawa matapos kami nakatanggap ng sumbong mula sa concerned citizen,” ani Senior Insp. Breccia Ruth Towned, deputy station commander ng Police Station 1-Divisoria.

Umamin si Leyson na sumailalim siya noon sa random drug test para sa mga empleyado ng city hall pero nag-negatibo siya dito.

“Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit ako gumamit ng droga,” sabi ni Leyson.

Samantala, taong 2012 nakapasok bilang pulis si Gallardo pero na-dismiss siya sa serbisyo noong 2015 matapos nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga.

“Ayon sa kanyang pamilya, hindi nila alam na bumalik pala [si Gallardo] sa paggamit ng shabu,” dagdag ni Townend.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.