Van ng ABS-CBN News sa Marawi, tinamaan ng bala

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 05:42 PM

Tinamaan ng bala ng hinihinalang sniper ang isang sasakyan ng ABS-CBN News na nakaparada malapit sa kapitolyo ng Marawi City, Huwebes, Hunyo 22.

Tumama ang bala sa kanang bahagi ng van malapit sa likurang gulong. Nasa loob ng van noong panahong iyon ang ABS-CBN cameraman na si Val Cuenca. Isang upuan lang ang pagitan niya sa butas na iniwan ng tumamang bala sa van.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung saan nanggaling ang bala. Walang sugatan sa insidente.

Ilang kilometro lang ang layo ng kapitolyo mula sa sentro ng bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at Maute group. 

Kamakailan lamang ay tinamaan din ng ligaw na bala ang isang foreign journalist habang nagco-cover ng bakbakan sa Marawi City. Nasa kapitolyo rin ng Marawi si Adam Harvey nang tamaan ng bala. 

-- Ulat ni Edwin Sevidal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.