SAPUL SA CCTV: Pagsabog, yumanig sa Malate, Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2017 04:34 AM | Updated as of Jun 24 2017 12:14 AM

Isang pagsabog ang naganap sa Arellano Street sa San Andres Bukid, Malate, Maynila, katabi ng Arellano Police Community Precinct.

Narinig ng mga residente ang pagsabog bandang 3:17 ng madaling araw Biyernes, na sinundan ng dalawang putok ng baril.

Nakunan ng CCTV camera ang pagdating ng lalaking nakamotorsiklo na sinasabing nagbato ng hindi pa matukoy na pampasabog.

Galing ang suspek sa Leyte Street, patungo sa Francisco Street, hanggang sa Arellano Avenue, bago lumusot papalayo sa may Espiritu Street.

Walang nasaktan sa pagsabog pero bahagyang nasira ang sasakyan ni Arellano PCP commander Chief Insp. Paul Sabulao, at isa pang motorsiklo na nakaparada sa tabi ng presinto.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang insidente. - Ulat mula kay Anjo Bagaoisan at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.