Mandatory drug test para sa kolehiyo, umani ng sari-saring reaksiyon

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 11:06 PM | Updated as of Jun 23 2017 04:37 AM

Iba-iba ang reaksiyon ng ilang estudyante sa plano ng Commission on Higher Education (CHED) na gawing mandatory ang drug testing sa admission sa mga kolehiyo at unibersidad sa susunod na taon.

Para sa ilan, matitiyak ng drug testing na maayos at nasa kondisyon ang mga estudyante pagtuntong ng kolehiyo.

Mabuti rin umano ito para magdalawang-isip at mailayo ang mga estudyante sa paggamit ng ilegal na droga.

Pero alinlangan ng ilang estudyante, maaaring malabag nito ang karapatan nila lalo na at karamihan sa kanila ay mga menor de edad.

Hiling nila, linawin muna kung ano ang magiging epekto ng mandatory drug testing sa pagkakataon ng mga estudyanteng mag-aral.

Ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP), menor de edad ang humigit kumulang 46,000 sa milyong sumukong drug users sa nakalipas na taon.

Ito rin ang datos na pinanghahawakan ng CHED sa planong mandatory drug tests sa admission o pagpasok sa lahat ng kolehiyo at unibersidad.

Oktubre nang simulan ng CHED ang mga pulong para sa pagbalangkas ng memorandum order para rito. 

Nitong Mayo lang, nagsagawa ng public consultation ang CHED para maplantsa ang ilan pang detalye ng mandatory drug testing tulad ng kung may sapat na equipment at pasilidad para magawa ito.

Ayon sa CHED, pinag-aaralan pa ang conditional enrollment sakaling mag-positive ang isang estudyante.

Ibig sabihin, maaaring payagan mag-enroll kung dadaan sa treatment o rehab, o ma-delay ang enrollment, depende sa grabe ng pagkalulong sa droga.

Dagdag ng ahensya, maaaring ipatupad ito sa susunod na taon.

-- Ulat ni Miguel Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.